top of page

Mga estudyante mula sa India, nagkaroon ng boses ngayong tag-init habang nawawalan naman nito ang mga mamamahayag

Ritu Kapur

September 27, 2026 at 11:30:46 AM

Ritu Kapur

Ritu Kapur

Nang ipagdiwang ng India ang ika-80 anibersaryo ng kalayaan nito nitong Agosto, napaisip ako sa mismong konsepto ng “kalayaan sa pamamahayag.” Dahil sino nga ba ang maituturing na “pamamahayag” ngayon?


Isa ba itong akreditadong mamamahayag? Ang content creator na nagla-livestream ng crackdown ng pulisya? Ang estudyanteng taga-nayon na ipinaglalaban sa pamamagitan ng cellphone ang karapatan niyang makapag-aral?


Nagsimula nang magkahalo ang kalayaan sa pamamahayag at kalayaan ng mga mamamayan na magsalita. At sa loob ng ilang pambihirang linggo ngayong tag-init, sa mismong puso ng lungsod na aking kinalakihan, nasaksihan ko kung hanggang saan susubukin ng isang henerasyon ang lawak ng kalayaang ipinagkakaloob ng India sa alinman sa mga ito.


Noong Mayo, inihalintulad ng Punong Mahistrado ng India sa mga “ipis” ang mga walang trabahong kabataan o “youngsters”. “Ang ilan sa kanila ay nagiging media, ang ilan ay nagiging social media... at sinisimulan nilang atakihin ang lahat (Some of them become media, some of them become social media… and they start attacking everyone).”


Kalaunan, sinabi niyang ang kanyang pahayag ay para lamang sa mga taong gumagamit ng mga pekeng diploma. Ngunit hindi na naging mahalaga ang paglilinaw na iyon. Kumawala na ang “ipis” sa konteksto nito at napunta sa isang henerasyong mabilis na nagmula sa pagkadismaya tungo sa kawalang-takot.


Sa Boston, nilikha ng Indian student na si Abhijeet Dipke ang Cockroach Janta Party, isang satirikong meme para sa mga “walang trabaho, tamad at palaging online (unemployed, lazy and chronically online),” na hango sa pangalan ng naghaharing Bharatiya Janata Party. Di naglaon, umabot sa mahigit 22 milyon ang followers ng page.


Ngunit naging kilusan ang meme dahil naroon na ang galit.


Isang leaked na kopya ng medical entrance exam ang nagtulak sa hindi bababa sa 17 estudyante na magpakamatay, habang libu-libo pa ang naiwan sa kawalan ng katiyakan dahil sa mga iregularidad sa muling pagsusuri ng mga resulta ng school board exam. Sa loob ng pitong linggo, umalingawngaw ang dalamhati at galit na ito sa Jantar Mantar sa Delhi.


Nag-hunger strike ang mga estudyante. Pinutol ang internet. Hinarangan ang suplay ng pagkain at tubig. Noong Hulyo 20, sinubukan ng mga protester na humihiling sa pagbibitiw ng Education Minister na magmartsa patungong Parliament. Pinaputukan sila ng mga pulis ng tear gas at pellet. Tinamaan ng mga baton ang kanilang mga ulo. Ngunit patuloy pa rin sa pagsigaw ng mga islogan ang mga protester na duguan ang mga mukha.


May sinding apoy na.


Ang malalaking tradisyonal na broadcaster at publisher, na umaasa nang malaki sa kita mula sa gobyerno at lalong nagiging tagapagsalita ng propaganda ng naghaharing partido, ay binansagan ang mga nagpoprotesta bilang mga goondang nanunumbat ng bato.


Samantala, sumugod sa mga protesta ang mga batang influencer at reporter mula sa maliliit at independiyenteng newsroom, bitbit ang kanilang mga cellphone at camera para magrekord, magtanong at mag-livestream.


Bumalik sa kanilang mga kuwartong puno ng paulit-ulit at hiwalay sa realidad na mga pananaw ang mga mamamahayag mula sa tradisyonal na media habang naninindigan ang mga nagpoprotesta: “Godi Media waapis jao.” (Umalis na kayo, bayarang media.)


Ang imaheng binuo ng naghaharing partido sa loob ng maraming taon at gamit ang crores ng rupees ay nabutas ng mga mapangahas na meme, tugma at maiikling awitin. Sa mga bayan at nayon, naging kunwa-kunwariang reporter ang mga batang nag-aaral, gamit ang mga bote bilang “mikropono,” at humihingi ng mga paaralan at guro sa mga lugar na wala nito.


Muling natuklasan ng mga stand-up comedian na ilang taon nang nag-iingat sa bawat salita ang kanilang mga punchline. Ano ang nangyayari kapag hindi na pinapanagot ng pamamahayag ang kapangyarihan at kailangan nang gawin iyon ng iba? At nabawi ba ng makasaysayang kilusang ito ang kalayaan sa pamamahayag na nawala sa India? Hindi pa.


Sa loob lamang ng ilang araw, nagsimulang mawala sa mga social media platform ang mga post at reel mula sa mga protesta, pati na ang mga kritikal sa gobyerno.


Nagbibigay ang Section 69A ng Information Technology Act ng India ng malawak na kapangyarihan sa gobyerno na utusan ang mga platform na magtanggal ng content sa mga dahilang kasinglawak ng “soberanya” at “pambansang seguridad,” habang hindi nasusuri ng publiko ang proseso dahil sa mga patakaran sa pagiging kompidensiyal.


Iniulat ng The Indian Express na mula Marso hanggang Hulyo 2026, nagpapadala ang gobyerno ng India ng isang blocking order bawat minuto sa mga social media platform. Ngunit hindi lamang content takedown ang ginagamit na sandata.


First Information Report. Kasong kriminal. Imbestigasyon sa buwis at money laundering. Pagkumpiska sa cellphone at laptop. Mga taon sa korte. Isang sistemang legal na nagpapahintulot na ang mismong proseso ay maging parusa.


Hindi lamang kalayaan na maglathala ng impormasyon ang kalayaan sa pamamahayag. Kalayaan rin itong makakuha ng impormasyon. Pinahina ang Right to Information Act. Lumiit ang access sa mga rekord ng gobyerno.


At nariyan din ang surveillance. Hindi malaya ang isang mamamahayag dahil lamang kaya niyang maglathala. Kailangan niya ng mga source na naniniwalang makapagsasalita sila nang hindi minamanmanan ang kanilang mga tawag o mensahe. Hindi mo kailangang i-censor ang isang kuwento kung kaya mong gawing imposibleng maiulat ito.


At sino ang matitira para mag-ulat?


Bumisita ako sa mga unibersidad kung saan lalong sinasabi sa akin ng mga estudyante ng journalism na ayaw nilang maging mamamahayag. Hindi nila nawala ang kagustuhang magkuwento o kuwestiyunin ang mga nasa kapangyarihan. Ginagawa nila iyon nang buong tapang sa Instagram, YouTube at iba pang platform. Ngunit nawala ang tiwala nila sa journalism bilang propesyong maaari nilang gawing kabuhayan.


Hindi ito matatawag na kalayaan sa pamamahayag hangga't hindi kayang piliin ng isang 23-anyos ang journalism bilang karera at asahang sapat ang kikitain niya para mabayaran ang kanyang renta. Hindi ito kalayaan sa pamamahayag hangga't hindi nauunawaan ng mga mambabasa na nabubuhay ang mga independiyenteng newsroom sa kanilang subscriptions at atensyon, hindi sa kabutihang-loob ng gobyerno.


Hindi ito kalayaan sa pamamahayag kung iilang social media platform lamang ang natitirang distribution network ng isang kuwento at hawak pa rin ng estado ang kapangyarihang ipatanggal ang kuwentong iyon.


Hindi ito kalayaan sa pamamahayag habang pinapatay ang mga lokal na mamamahayag dahil sa mga kuwentong ipinipilit nilang iulat.


Hindi ito kalayaan sa pamamahayag habang pag-aari ng crony capital ang mga newsroom.


May napatunayan ang Cockroach Janata Party ngayong tag-init: may hangganan ang takot. Kayang idokumento ng isang mamamayang may cellphone ang isang kawalang-katarungan. Kayang basagin ng isang comedian ang propaganda. Kayang pilitin ng mga estudyante ang mga nasa kapangyarihan na makinig. Ngunit hindi nila kayang, at hindi rin dapat nilang kailangang, palitan ang imprastraktura ng pamamahayag.


Hindi sapat ang isang tag-init ng viral na pagtutol para magkaroon ng malayang pamamahayag. Ang malayang pamamahayag ay binubuo ng nakakainip, magastos at hindi glamorosong gawain ng mga newsroom na kayang mabuhay nang hindi sinusuyo ang mga nasa kapangyarihan, at ng mga mamamahayag na kayang gawing panghabambuhay na trabaho ang pag-uulat.


Kilala ang ipis sa kakayahan nitong mabuhay sa halos anumang kalagayan. Hindi dapat ganoon ang pamamahayag.


Si Ritu Kapur ay isang Indian media leader. Siya ang co-founder, managing director at CEO ng Quint Digital Limited, ang parent company ng The Quint.


Ang opinion piece na ito ay ginawa bilang bahagi ng World News Day campaign, isang inisyatiba upang ipakita ang halaga ng pamamahayag.


Dapat panatilihin ng mga muling maglalathala ng artikulo ang talang ito at kilalanin ang orihinal na awtor.


Maaaring muling ilathala nang buo at maaaring isalin nang libre, basta't tapat na naipapakita ng salin ang orihinal at hindi binabago ang kahulugan o nilalaman nito. Pinahihintulutan ang maliliit na pagbabago para sa haba o house style, sa parehong kondisyon. Kung maaari, mangyaring maglagay ng link pabalik sa World News Day (worldnewsday.org).


bottom of page