top of page

Mahalaga ang Demokrasya sa Pamamahayag sa Bawat Wika

Atty. Anna Mae Yu Lamentillo

September 25, 2026 at 11:08:25 AM

Atty. Anna Mae Yu Lamentillo

Atty. Anna Mae Yu Lamentillo

Habang nagsasagawa ako ng pagsusuri sa mga wikang ginagamit sa Metro Manila, kapansin-pansin sa akin ang isang kabalintunaan. Ang Kalakhang Maynila ay tahanan sa hindi bababa sa 217 wika, at patuloy pang nadaragdagan ang bilang na ito sa bawat bagong pamayanang aking nakikilala. Gayunman, unti-unting nawawala sa ating paningin ang ilan sa mga katutubo at rehiyonal na wika ng Pilipinas.


Bilang bahagi ng pangkat etnolinggwistiko ng mga Karay-a, alam ko kung ano ang nawawala kapag nanghihina ang isang wika. Nawawala sa atin ang mga salita, kasama ang mga awit, mga ritwal, mga kaugalian, kaalamang pangkapaligiran, kasaysayan ng mga pamilya, at mga paraan upang unawain ang mundo. Kapag tuluyang nanahimik ang isang wika, para itong sinupan na nasusunog, iyon lang, walang anumang usok.


Hindi lamang ito isang krisis pangkultura. Isa rin itong usaping demokratiko. Nakabatay ang demokrasya sa kakayahan ng mga mamamayan na maunawaan kung ano ang ginagawa sa ngalan nila. Ang pamamahayag ay tumutulong sa mga tao na maging mapanuri sa mga lider, subaybayan kung paano ginagastos ng gobyerno ang kaban ng bayan, maghanda sa mga sakuna, ipagtanggol ang kanilang mga karapatan, at makilahok sa mga debate. Ngunit masasabi na hindi tunay na abot ng karaniwang impormasyon kung makukuha lamang ito sa mga wikang hindi lubos na nauunawaan ng nakararami.


Ang Pilipinas, na may humigit-kumulang 117 milyong mamamayan, ay tahanan ng tinatayang 175 buhay na katutubong wika. Subalit dose-dosen sa mga ito ang nanganganib nang mawala. Gayunman, Filipino at Ingles ang nananatiling wika na kalimitan ay ginagamit sa edukasyon, pamahalaan, at malawakang pamamahayag.


Mula sa mga silid-aralan hanggang sa mga korte, kadalasang ang mga wikang ito ang nagtatakda kung sino ang makapagsasalita at makikilahok nang may kumpiyansa at kung sino ang kailangang makipagbuno sa mga salitang hindi pamilyar sa kanila.


Malinaw ang mensaheng ipinapadala ng ganitong kawalan ng balanse: sa tahanan lamang nababagay ang mga lokal na wika, samantalang ang mga wika ng kapangyarihan ay para sa lansangan at institusyon.


May malubhang epekto ang ganitong mensahe.


Maaaring makarinig ang isang magsasaka tungkol sa isang bagong patakarang pang-agrikultura nang hindi nauunawaan ang mga teknikal na terminong ginagamit dito. Maaaring makatanggap ang isang katutubong pamayanan ng balita tungkol sa pagmimina o mga alitan sa lupa sa wikang hindi kayang ipahayag nang buo ang kanilang ugnayan sa lupang kanilang ninuno.


Sa panahon ng bagyo, public health emergency, o halalan, maaaring maging mapanganib ang impormasyong hindi malinaw. Sa halip, maaaring bumaling ang mga tao sa mga sabi-sabi o mapanlinlang na post sa social media na mas tuwirang nakikipag-usap sa kanila.


Nakatutulong ang pamamahayag sa mga lokal na wika upang mapaliit ang ganitong puwang sa demokrasya. Higit pa ito sa mga pagsasalin ng mga ulat na ginawa sa Maynila. Binibigyang-daan nito ang mga mamamahayag na magtanong ng ibang mga tanong, kilalanin ang mga prayoridad ng mga lokal na pamayanan, at ipaliwanag ang mga pambansang pangyayari batay sa karanasan ng komunidad.


Ang mga ulat sa Cebuano, Hiligaynon, Bikol, Waray, Ilocano, Kapampangan, o Kinaray-a ay maaaring maghatid ng mga kahulugan at usaping nawawala kapag inilagay lamang sa isang pambansang bersiyon.


Dahil dito, itinatag ko ang Paraluman News. Nais kong makatulong sa pagbuo ng isang pamamahayag na hindi nangangailangan sa mga pamayanan na talikuran ang kanilang wika, pagkakakilanlan, o karanasan bago sila makilahok sa pampublikong usapan.


Nakabatay ang Paraluman News sa isang simpleng paniniwala: hindi dapat nakasalalay ang access sa impormasyon sa kung nagsasalita ba ang isang tao sa wika ng mga institusyon, mga naghaharing-uri, o malalaking newsroom. Kailangan pumasok ang pamamahayag sa mga pamayanan, makinig nang mabuti, at makipag-ugnayan sa mga paraang kinikilala ng mga tao bilang sarili nilang wika at paraan ng pagpapahayag.


Usapin din ito kung sino ang huhubog sa kinabukasan ng pamamahayag sa Pilipinas. Kadalasang itinuturing ang mga kabataang Pilipino bilang mga tagapakinig, mambabasa, o gumagamit lamang ng teknolohiya. Ngunit maaari silang maging mga reporter, tagasalin, editor, historyador ng komunidad, at mga may malikhaing kaisipan sa pamamahayag.


Sanay na silang tumawid sa iba't ibang wika, plataporma, lalo na sa aspektong pangkultura. Alam nila kung paano maaaring maglakbay ang isang kuwento mula sa usapan sa barangay patungo sa group chat, podcast, o pambansang debate.


Sa tulong ng pagsasanay, tiwala, at sapat na mga kaapamaraann, maaaring pangunahan ng mga kabataan ang muling pagsigla ng pamamahayag sa mga lokal na wika. Makapatatala ang mga kuwento ng mga nakatatanda, gumawa ng mga news video sa mga rehiyonal na wika, bumuo ng mga digital archive, at ipaliwanag ang mga pampublikong patakaran sa mga paraang magagamit ng kanilang mga pamayanan. Maaari nilang ipakita na ang sariling wika ay hindi hadlang sa modernidad, kundi pinagmumulan ng awtoridad, pagkamalikhain, at ugnayan.


Isinisiwalat ng Kalakhang Maynila na ito'y kapwa may potensyal at panganib ng isang lipunang maraming wika. Sa mga pamilihan, paaralan, at online, nagtatagpo at umuunlad ang Kapampangan, Pangasinan, Chavacano, Fukkien, Taglish, at marami pang ibang wika. Ngunit lumilikha rin ng panggigipit ang panginibang-bansa upang talikuran ang sariling wika. Kinukutya ang mga rehiyonal na punto o punto ng pananalita bilang “probinsyano,” at natututo ang mga nagsasalita nito na bawasan o itago ang himig ng kanilang pananalita upang maging katanggap-tanggap ang kanilang tunog.


Maaaring patibayin ng mga newsroom ang ganitong sistema o kaya'y hamunin ito. Dapat silang mamuhunan sa mga reporter, editor, broadcaster, at community correspondent na nagtatrabaho sa mga lokal at katutubong wika.


Dapat maging bahagi ang gawaing ito ng pang-araw-araw na pamamahayag para sa interes ng publiko, hindi lamang isang paminsan-minsang feature tungkol sa kultura at pamana. Karapat-dapat sa walang patid na suporta ang community radio, mga pahayagang rehiyonal, podcast, at mga digital channel. Dapat ding magsanay ang mga unibersidad ng mga mamamahayag na may kakayahang gumamit ng maraming wika.


Ang pagsuporta sa pamamahayag sa mga lokal na wika ay hindi lamang isang proyektong pangkultura. Isa itong pamumuhunan sa mamamayang may sapat na kaalaman, tiwala ng publiko, at pantay na pakikilahok. Hindi maaaring sabihin ng isang demokrasya na kabilang dito ang lahat habang hinihiling nito sa milyun-milyong tao na iwan sa pintuan ang wikang pinakamalakas nilang ginagamit.


Sa World News Day, dapat nating alalahanin na kabilang sa karapatang malaman ang karapatang umunawa. Natutupad lamang ng pamamahayag ang demokratikong layunin nito kapag naririnig ng mga tao ang katotohanan, natatanong ang kapangyarihan, at iniisip ang kanilang kinabukasan sa wikang itinuturing nilang sarili.


Ang editoryal na ito ay isinulat bilang bahagi ng kampanyang World News Day, isang pandaigdigang kampanyang nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng pamamahayag sa pagbibigay ng katotohanan at kalinawan.


Sinuman ang nais maglathala nito ay kinakailangang panatilihin ang talatang nasa itaas at kilalanin ang orihinal na may-akda.


Maaaring muling ilathala nang buo at maaaring isalin nang libre, sa kondisyon na tapat na naipahahayag ng salin ang orihinal at hindi binabago ang kahulugan o nilalaman nito. Pinahihintulutan ang maliliit na pagbabago para sa haba o estilo ng publikasyon, alinsunod pa rin sa parehong kondisyon. Kung maaari, mangyaring maglagay ng link pabalik sa World News Day (https://worldnewsday.org/).


Si Atty. Anna Mae Yu Lamentillo ay Chief Technology Officer ng Paraluman News at tagapagtatag ng Arkipelago Analytics, Build Initiative Foundation, at Night Owl AI.

bottom of page