top of page

Lahat ay biyaya ng Diyos

Father Mark Munda

October 21, 2026 at 7:33:29 AM

Father Mark Munda

Father Mark Munda

Noong nakaraang taon, inanyayahan ako ng isang pari sa Roma na bisitahin siya matapos akong mabigyan ng multiple-entry visa kasunod ng aming jubilee pilgrimage. Iminungkahi niyang magandang pagkakataon ang pagbisita sa Diocese of Macerata, dahil nakapunta na ako sa Vatican. Maraming magagandang lugar sa nasabing rehiyon, kabilang ang ilang dambana at mahahalagang pook panrelihiyon.


Sa kabutihang palad, nakahanap ako ng murang tiket kaya sinamantala ko ang pagkakataong makapunta roon. Naging napapanahon din ang paglalakbay na ito dahil ipinagdiwang ko ang anibersaryo ng aking ordinasyon bilang pari sa mismong pilgrimage na iyon.


Maraming lugar na pwede kong bibisitahin, pero pinili ko ang Shrine of Saint Nicholas of Tolentino dahil nalalapit na ang kanyang kapistahan at deboto niya si Kura Jeremiah Aquino Adviento ng Punta, Maynila. Nanalangin ako sa kanyang libingan at inikot ang dambana.


Isa pa sa mga lugar na binisita ko ay ang lugar kung saan ipinanganak si Santa Maria Goretti. Personal ko itong pinili dahil may parokya sa Maynila na ipinangalan sa kanya, kung saan kasalukuyang naglilingkod bilang kura paroko ang isa kong kaklase. Dahil nagtatrabaho rin ako sa isang paaralan, napakagandang huwaran ni Santa Maria para sa ating mga batang mag-aaral.


Habang naglalakbay kami patungo roon, binalikan namin ang buhay ni Santa Maria Goretti. Pinag-usapan namin kung paano niya ipinamalas ang awa ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapatawad sa taong umatake sa kanya at nagtangkang manghalay sa kanya. Bagama't kalaunan ay namatay siya dahil sa mga tinamong sugat, pinatawad niya ang umatake bago siya pumanaw. Ipinahayag din niya ang taos-pusong hangarin na makamit din nito ang langit.


Makapangyarihang halimbawa ang kanyang buhay ng mga aral sa ating mga pagbasa ngayong Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon. Itinuturo sa atin ng liturhiya kung gaano kalalim ang awa ng Diyos at kung paano tayo tinatawag na magpakita ng habag sa isa't isa. Gaya nga ng kasabihan, “Ang magkamali ay likas sa tao; ang magpatawad ay maka-Diyos.”


Binibigyang-diin ng ating mga pagbasa ang tatlong bagay: una, ang karunungan ng pagpapatawad; ikalawa, ang pagkamatay ni Kristo para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan; at ikatlo, na ang tunay na pagpapatawad ay dapat ibigay nang walang hangganan o pagtatangi. Lahat ay karapat-dapat patawarin.


Ang Karunungan ng Pagpapatawad


Sa Unang Pagbasa mula sa Aklat ni Sirac, ipinakikita sa atin ang malalim na karunungan mula pa noong sinaunang panahon: “Patawarin mo ang iyong kapwa sa kasamaang ginawa niya sa iyo, at patatawarin din ang iyong mga kasalanan kapag ikaw ay nananalangin.” Inilalantad ng aklat ni Sirac ang kawalang-katwiran ng pagkikimkim ng galit habang umaasa sa habag ng Diyos.


Ang pagkimkim ng sama ng loob ay parang pag-inom ng lason habang umaasang ang ibang tao ang magdurusa. Sa kasalukuyan, iniuugnay ang maraming karamdaman sa stress at mabibigat na suliraning emosyonal. Ang pagpapatawad at pagbitaw sa sama ng loob ay nakapagpapagaling sa atin hindi lamang sa espirituwal na aspeto kundi maging sa pisikal na kalusugan.


Karunungan ang magpatawad dahil inaalis nito ang pait sa ating puso at nakatutulong sa paggaling ng ating mga relasyon at katawan. Kung gusto mong gumaan ang pakiramdam mo, magpatawad ka.


Ang Dahilan ng Pagsasakripisyo ni Kristo ng Kanyang buhay


Sa Ikalawang Pagbasa, ipinapaalala sa atin ni San Pablo: “Kung tayo ay nabubuhay, para sa Panginoon tayo nabubuhay; at kung tayo ay mamamatay, para sa Panginoon tayo mamamatay.”

Dito natin matutunton ang pinakapuso ng ating pananampalataya: Bakit namatay si Hesus sa Krus? Inialay Niya ang Kanyang buhay upang punan ang puwang na nilikha ng kasalanan at naghihiwalay sa atin sa Diyos. Isa itong utang na hindi natin kailanman kayang bayaran sa pamamagitan ng sarili nating kakayahan. Ang Kanyang kamatayan ang pinakamataas na halagang ibinayad para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan.


Kamakailan lang, ipinagdiwang natin ang Kapistahan ng Pagtataas sa Banal na Krus (Exaltation of the Holy Cross). Ipinaaalaala sa atin ng pagdiriwang na ito ang dahilan ng pagparito ni Kristo sa mundo: upang ipagkaloob ang kapatawaran sa mga kasalanan at maibalik ang ating ugnayan sa Diyos. Kapag nakita natin ang krus ni Hesus, ipinapaalala sa atin na dapat din tayong magpatawad.


Pagpapatawad Nang Walang Limitasyon o Kondisyon


Nang tanungin ni Pedro si Hesus sa Ebanghelyo kung dapat niyang patawarin ang kanyang kapatid nang hanggang pitong beses, inakala niyang napakalaki na ng kanyang ipinakikitang kabutihang-loob. Ngunit binago ni Hesus ang karaniwang paraan ng pagbibilang ng tao:

“Hindi pitong beses, kundi pitumpu't pitong beses.”


May tatlong hinihingi si Kristo sa atin:

Una, ang magpatawad nang walang hangganan. Hindi natin dapat bilangin kung ilang beses na tayong nagpatawad, sapagkat ilang beses man tayong humingi ng tawad sa Diyos, patuloy Niya tayong pinatatawad. Ang awa ay hindi talaan ng mga pagkakamali na kailangang bilangin; dapat itong maging walang katapusang gawi ng ating puso.


Ikalawa, ang magpatawad nang walang pagtatangi. Hindi natin maaaring ipagkait ang pagpapatawad sa mga taong hindi natin kahawig, hindi katulad ng ating paniniwala, o hindi natin gaanong minamahal. Dapat kapag nagpatawad tayo, hindi tayo namimili, kasi ang Diyos ay hindi namimili.


Ikatlo, ang magpatawad nang hindi isinasaalang-alang ang bigat o halaga ng pagkakasala.

Gaano man kabigat ang nagawang kasalanan, tinatawag tayo ni Kristo na palayain ang nagkasala sa kanyang pagkakautang sa atin, gaya ng ginawa ng hari sa talinghaga na nagpatawad sa kanyang lingkod sa napakalaking utang na hindi nito kayang bayaran.


'Yan ang kagandahan sa mga bata—kapag nag-away, sandali lang, bati at balik agad sa paglalaro. Pero ang mga matatanda, kapag nag-away, habang-buhay nang walang pansinan. Paalala sa atin ngayon: kapag magpapatawad tayo, dapat walang bilangan, walang pilian, at walang sukatan.


Bago kami makarating sa lugar ng kapanganakan ni Santa Maria Goretti, binanggit ng paring kasama ko na may mga usap-usapan at talakayan sa komunidad tungkol sa posibleng pagbubukas ng proseso para sa beatipikasyon ni Alessandro Serenelli—ang lalaking pumatay kay Santa Maria Goretti.


Matapos magsilbi ng 27 taon sa bilangguan, tunay siyang nagbalik-loob at naging laykong Franciscano. May salaysay din tungkol sa isang pangitain kung saan nag-alay umano si Santa Maria Goretti ng 14 na liryo sa kanya—sumasagisag ang mga ito sa 14 na sugat na kanyang idinulot—na naging mitsa ng kanyang pagbabalik-loob.


Nagpatotoo rin siya sa proseso ng beatipikasyon ni Santa Maria. Ang kapansin-pansing pagbabago sa kanyang espirituwal na buhay ang nag-udyok sa ilang tao na isaalang-alang ang naturang proseso.


Noong una, nadama ng paring kasama ko na maaaring lumikha ito ng masalimuot na precedent o huwarang maaaring sundan sa mga susunod na kaso. Sumang-ayon ako sa kanya noong una, sapagkat mahirap para sa ating pagkatao na tanggapin bilang banal na huwaran ang isang dating marahas na nagkasala. Gayunman, nang pag-usapan namin ang mas malalim na kahulugan ng biyaya ng Diyos, naalala namin ang tunay na diwa ng Banal na Awa.


Sandaling bumalot sa amin ang malalim na katahimikan, at sinabi ko sa kanya, “Parang may anghel na dumaan.” Kapwa namin napagtanto na walang isip ng tao ang lubos na makauunawa sa lalim ng awa at pag-ibig ng Diyos. Nagkasundo kaming ipaubaya na lamang ang lahat sa Kanyang mga kamay.


Habang naghahanda akong ipagdiwang ang anibersaryo ng aking ordinasyon bilang pari noong Setyembre 19—isang panahong ipinagdiriwang din ng maraming pari sa Maynila ang kanilang anibersaryo—lubos kong naaalala ang aking sariling pagiging hindi karapat-dapat. Naging pari ako hindi dahil sa sarili kong mga nagawa o kakayahan, kundi dahil lamang sa awa at kabutihan ng Diyos.


Dahil sa Kanyang pagpapatawad, narito ako ngayon bilang isang pari. Lahat ay biyaya ng Diyos.


Si Father Mark Munda ang pinuno ng Cluster III ng Archdiocese of Manila Educational System.


Paalala: Ang mga opinyong ipinahayag ng may-akda ay sarili niyang pananaw at hindi sumasalamin sa mga pananaw ng Sari Story Network.


bottom of page