Katotohanan sa Mundo ng AI
Michael Miller
October 1, 2026 at 6:30:35 AM

Michael Miller
Ngayong araw ay World News Day, kung kailan sabay-sabay na binibigyang-diin ng mga newsroom sa buong mundo ang isang mahalagang punto: ang mapagkakatiwalaang pagbabalita ay hindi luho, kundi isang mahalagang sandigan. Ngayong taon, higit kailanman, kailangang ipabatid ang mensaheng ito nang may higit na pagkaapurahan.
Nakabatay ang mga demokrasya sa mga katotohanang pinagsasaluhan ng lahat. Ang mga korte, halalan, pamilihan, maging ang karaniwang pagtatalo sa hapag-kainan, ay nakasalalay sa kakayahan ng mga tao na magkasundo muna sa kung ano talaga ang nangyari bago sila magdebate kung ano ang dapat gawin tungkol dito.
Kapag inalis ang pundasyon na iyon, hindi malusog na talakayan ang makukuha. Sa halip, magkakaroon ng lipunang nagsasalita ngunit hindi nagkakaunawaan dahil nakabatay ang bawat isa sa magkakaibang bersiyon ng mga pangyayari.
Ngayon, tunay na nasa ilalim ng matinding pressure ang pinagsasaluhang pundasyo na ito, at patuloy pang lumalala ang hamon sa halip na humupa.
Maaaring maging napakalaking puwersa para sa kabutihan ang artificial intelligence—mapapabilis nito ang pananaliksik, mapapalawak ang access sa kaalaman at makatitipid ng oras.
Ngunit kaya rin ng parehong teknolohiya na lumikha ng mga kapani-paniwalang kasinungalingan sa dami at bilis na hindi kayang tapatan ng anumang naunang panahon ng misinformation.
Maging ang mga lider ng mga kumpanyang lumilikha ng mga sistema na ito ay inaamin na ang problema.
Sa Australia, nitong nakaraang linggo, inamin ng OpenAI na isang AI agent ang lumabag sa mga protocol matapos makapasok sa isang data portal ng Medicare.
Sinundan ito ng nauna nang pag-amin na ang GPT-5.6 Sol ay natuklasang gumawa ng sarili nitong mga internal na tala tungkol sa kung paano itatago sa mga user ang mga pagkakamali nito sa halip na itama ang mga ito.
Kung nag-aalala ang mga lumikha ng teknolohiyang ito, dapat ding maging mapagmatyag ang iba sa atin sa panganib na kaakibat nito. Isa sa mga dahilan kung bakit naiiba ang kasalukuyang sitwasyon ay kung gaano kapani-paniwalang naihahatid ngayon ang disimpormasyon.
Isang kamakailang akademikong pag-aaral mula sa Europe ang nagbigay ng pangalan sa penomenang ito— “ilusyon ng kaalaman” o “the illusion of knowledge”: habang mas maraming AI-generated summary ang kinokonsumo ng mga tao, mas nararamdaman nilang marami silang nalalaman, kahit humihina naman ang tunay nilang pag-unawa sa realidad.
Nagbibigay ng awtoritatibong dating ang mga tool na ito, totoo man o hindi ang kanilang sinasabi, dahil unti-unti nang naging magkahiwalay na konsepto ang husay sa pagpapahayag at katumpakan.
Disenyo ang mga AI model upang mapalakas ang engagement, kaya naihahain ang mga impormasyon sa paraang patuloy na naghihikayat sa mga tao na bumalik para sa higit pa.
Sa pagitan ng pakiramdam na may sapat na kaalaman at pagiging tunay na may sapat na kaalaman nagaganap ang malaking pinsala: sa mga desisyong ginagawa ng mga indibidwal at lipunan habang naniniwalang mas marami silang alam kaysa sa aktuwal nilang nalalaman.
Nararamdaman na ang epekto sa mga tao ng unti-unting pagkawala ng pagpapahalaga sa katotohanan. Ginagamit ng mga scammer ang AI-generated na mga video at boses upang magpanggap na mga mahal sa buhay at maubos ang ipon ng mga retirado. Lumilikha naman ang mga kriminal ng mga pekeng identidad at mapanlinlang na dokumento sa napakalaking saklaw.
Sa Australia lamang, ang mga scam at panloloko ng pinadali ng mga tool na ito ay nagkakahalaga sa komunidad ng mahigit dalawang bilyong dolyar kada taon—at patuloy na tumataas ang halagang ito habang umuunlad ang teknolohiya.
Mayroon ding mas tahimik na halaga na madaling hindi mapansin hanggang sa tuluyan itong mawala: ang pagkawala ng lokal na pamamahayag. Habang mas maraming kita ang napupunta sa mga tech platform, nagsara ang mga lokal na newsroom, na lumilikha ng mga “news desert” at nag-iiwan ng mga lugar na wala nang nag-uulat tungkol sa mga desisyon ng konseho, mga paglilitis sa korte, o kung paano ginagastos ang pampublikong pondo.
Sinukat ng isang pag-aaral noong 2024 ang kasunod na epekto: kapag nawawala ang lokal na coverage ng balita, tumataas nang humigit-kumulang pitong porsyento ang korapsyon sa komunidad.
Hindi ito basta nagkataon lamang—ito ang nangyayari kapag wala nang nagbabantay. Hindi imposibleng malutas ang lahat ng ito, ngunit hindi rin ito kusang maaayos.
Kailangan pa rin ng isang maayos na lipunan ang mga taong ang tungkulin ay magsuri, magberipika at mag-ulat kung ano talaga ang nangyayari—at mabubuhay lamang ang gawaing ito kung ito ay sinusuportahan, binabasa at binabayaran.
Kaya ngayong World News Day, simple ang panawagan: suportahan ang pamamahayag sa Australia.
Mag-subscribe dito. Mas pagkatiwalaan ito kaysa sa isang maayos at kaakit-akit na buod na walang malinaw na pinagmulan.
Sapagkat habang patuloy na gumagaling ang mga kasangkapang ginagamit sa paglikha ng kathang-isip, lalo lamang lumalakas ang dahilan upang suportahan ang mga taong naninindigan para sa katotohanan.
Si Michael Miller ay Executive Chairman ng News Corp Australasia.
Ang opinion piece na ito ay isinulat bilang bahagi ng 2026 World News Day campaign, isang inisyatibang naglalayong ipakita ang halaga ng pamamahayag.
Dapat panatilihin ng mga muling maglalathala ang paalalang ito at bigyang-kredito ang orihinal na may-akda.
Malaya itong muling ilathala nang buo at isalin sa ibang wika, basta’t tapat sa orihinal ang salin at hindi binabago ang kahulugan o nilalaman nito. Maaari ring gumawa ng maliliit na pagbabago para paikliin ang teksto o iangkop ito sa estilo ng inyong publikasyon, basta’t hindi nababago ang diwa ng orihinal.
Kung maaari, mangyaring maglagay ng link pabalik sa World News Day (worldnewsday.org).
