Kapag laganap ang impormasyon at napakaraming dahilan para sumuko… mas mahalaga ang journalism
Garry Pierre-Pierre
September 27, 2026 at 2:59:11 PM

Garry Pierre-Pierre
Noong Hulyo, mabilis na kumalat sa social media ang balitang inaresto ang negosyante at politiko ng Haiti na si Reginald Boulos.
Mabilis na kumalat ang mga post. Ngunit kakaunti ang nilalaman ng mga ito bukod sa mismong pahayag tungkol sa umano’y pag-aresto. Walang detalye. Walang kumpirmasyon. Sapat lamang ang impormasyong ibinigay upang mas marami pang tanong ang mabuo kaysa sagot.
Sa The Haitian Times, kinumpirma ng newsroom ang pag-aresto, tinipon ang mga impormasyon at inilathala ang detalyadong ulat tungkol sa nangyari.
Nang ibahagi ko sa social media ang balita, may isang tugon na nagpahinto sa akin: “Salamat sa update. Hinihintay namin ang The Haitian Times para makumpirma kung totoo ang balitang ito (Thanks for the update. We’ve been waiting to hear from The Haitian Times for validation on this news).”
Nasa mambabasa na ang impormasyon. Ang hindi niya alam ay kung dapat ba niya itong paniwalaan. Mahalagang pag-isipan ang pagkakaibang ito ngayong World News Day, kung kailan nagkakaisa ang mga news organization sa buong mundo upang bigyang-pansin ang kahalagahan ng pamamahayag na nakabatay sa mga katotohanan.
Sa panahong mas sagana ang impormasyon kaysa sa alinmang yugto ng kasaysayan ng sangkatauhan, humaharap ang journalism sa isang natatanging hamon: Hindi na lamang trabaho natin ang sabihin sa mga tao kung ano ang nangyari. Mas kailangan ngayon na tulungan silang tukuyin kung ano ang totoo, ano ang mahalaga, at ano ang maaari talagang malaman.
Sa malaking bahagi ng kasaysayan ng modernong journalism, kakaunti ang impormasyon. Kinokolekta ito ng mga pahayagan, inaayos, inililimbag at inihahatid sa mga mambabasa. Pinalawak ng radyo at telebisyon ang naaabot ng impormasyon, ngunit nanatili ang pangunahing konsepto: may access ang mga mamamahayag sa impormasyong hindi karaniwang naaabot ng karamihan.
Nawala na ang mundong iyon at hindi na ito babalik. Ngayon, nasa lahat ng dako ang impormasyon. Maaaring mag-live stream ang isang saksi ng isang pangyayari bago pa makarating ang reporter. Maaaring direktang makipag-ugnayan ang isang politiko sa milyun-milyon niyang tagasubaybay.
May kakayahan nang agad na maglathala ang mga pamahalaan, korporasyon, aktibista, propagandista at ordinaryong mamamayan. Mas pinabilis pa ng artificial intelligence ang pagbabagong ito. Kaya na nating lumikha ng kapani-paniwalang teksto, litrato, audio at video sa napakabilis na paraan at sa napakalaking lawak.
Mas marami tayong impormasyong abot-kamay kaysa sa alinmang henerasyon sa kasaysayan ng sangkatauhan. Ngunit, sa kabila nito, tila mas mahirap kaysa dati na malaman kung ano talaga ang nangyayari.
Iyan ang kabalintunaang kinakaharap ng journalism.
Hindi na lamang hamon natin ang maihatid ang impormasyon sa mga tao. Kailangan din natin silang tulungang tukuyin kung ano ang ibig sabihin ng impormasyon, saan ito nagmula, ano ang kulang at kung tumutugma ba ito sa realidad. Nangangailangan ito ng isang bagay na hindi kayang ibigay ng teknolohiya lamang: pagpapasya.
Tinutukoy ng mga mamamahayag kung anong mga tanong ang kailangang itanong. Naghahanap sila ng ebidensya. Hinahamon nila ang mga pahayag. Nagbibigay sila ng konteksto. Ipinag-iiba nila ang alam na natin sa pinaghihinalaan pa lamang at, kung minsan, higit sa lahat, kinikilala nila kung ano ang hindi pa maaaring malaman.
Maaaring tila ordinaryong bahagi lamang ito ng pamamahayag. Ngunit higit na nagiging mga paraan ito ng paglaban sa isang information culture na nagbibigay ng gantimpala sa bilis, katiyakan at galit.
Sa iba't ibang panig ng mundo, natutuhan ng mga pamahalaan at kilusang pampulitika na hindi na kailangang pigilan ang impormasyon upang makontrol ito. Kung minsan, mas epektibong paraan ang bombahin ang mga tao ng magkakasalungat na pahayag hanggang sa mapagod sila sa pagsisikap na tukuyin kung ano ang totoo.
Ang resulta ay hindi palaging paniniwala sa propaganda. Kung minsan, may mas mapanganib na nangyayari: pagsuko sa pagtatangkang alamin ang katotohanan. Tumitigil ang mga tao sa pagsisikap na makaalam. Kaya napakahalaga ng journalism sa panahong ito. Hindi dahil hawak ng mga mamamahayag ang monopolyo sa katotohanan. Hindi.
Nagkakamali ang mga mamamahayag. May mga bagay na hindi nakikita o natututukan ng mga news organization. Kailangang patuloy na patunayan ng mga institusyong ito ang kanilang kredibilidad sa pamamagitan ng kalidad ng kanilang trabaho. Ngunit ang journalism sa pinakamainam nitong anyo ay nag-aalok ng isang bagay na lalong nagiging bihira: isang pamamaraan.
Suriin muna bago ilathala. Maghanap ng maraming source. Humingi ng ebidensya. Magbigay ng konteksto. Itama ang mga pagkakamali. Manatiling mapanuri sa mga pahayag, lalo na sa mga madaling paniwalaan. Patuloy na magtanong.
Mahalaga ang mga prinsipyong ito, nagdodokumento man ang isang mamamahayag ng digmaan, nag-iimbestiga ng katiwalian, nagbabalita tungkol sa halalan o dumadalo sa isang pagpupulong ng school board na halos walang ibang dumadalo.
Ito ang dapat ipaalala sa atin ng World News Day na kailangan nating ipagtanggol. Papasok tayo sa isang mundong halos wala nang kahirap-hirap ang paglikha ng impormasyon. Ngunit hindi magiging ganoon kadali ang pagtukoy kung alin ang nararapat paniwalaan. Maaaring ito ang pinakamalaking hamon ng journalism sa mga darating na taon. At ito rin ang pinakamalaking dahilan kung bakit ito umiiral.
Si Garry Pierre-Pierre ay isang Pulitzer Prize-winning multimedia at entrepreneurial journalist. Siya ang co-founder ng The Haitian Times, isang publikasyong nakabase sa New York na gumagamit ng wikang Ingles at nagsisilbi sa Haitian diaspora, at director of partnerships ng URL Media.
Ang opinion piece na ito ay isinulat bilang bahagi ng World News Day campaign, isang pandaigdigang kampanyang nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng journalism sa paghahatid ng mga katotohanan at malinaw na impormasyon.
Dapat panatilihin ng mga muling maglalathala ang talata sa itaas at bigyang-kredito ang orihinal na may-akda.
Malayang muling ilathala nang buo at malayang isalin, basta't tapat na naipapakita ng salin ang orihinal at hindi binabago ang kahulugan o nilalaman nito. Pinahihintulutan ang maliliit na pagbabago para sa haba o house style, sa parehong batayan. Kung maaari, mangyaring maglagay ng link patungo sa World News Day (worldnewsday.org).
