top of page

Kapag ang katungkulan ay naging ari-arian ng pamilya

Author Bishop Soc Villegas; Isinalin ng Sari Story

October 16, 2026 at 10:15:31 AM

Author Bishop Soc Villegas; Isinalin ng Sari Story

Author Bishop Soc Villegas; Isinalin ng Sari Story

“Kapangyarihang Publiko,Pribadong Pakinabang”


Ang tibay ng mga pamilyang Pilipino ay isang biyayang nagpapatatag sa mga komunidad sa panahon ng pagsubok, nagtuturo ng mga pagpapahalaga, at nagpapasa ng pananampalataya mula sa isang henerasyon patungo sa susunod.


Itinuturing ng Simbahan ang pamilya bilang unang paaralan ng paghubog sa pagkatao at pananampalatayang Kristiyano—isang lugar kung saan nililinang ang pagmamahal, disiplina at pananagutan.


Ngunit kapag ang ugnayang pampamilya ay lumampas sa tahanan at naging kasangkapan ng pagkontrol sa pulitika, maaaring maging pasanin ang isang biyaya.


Kapag itinuring ang pampublikong posisyon bilang mana ng isang pamilya, nalalagay sa panganib ang kabutihang panlahat, demokratikong kalayaan at dignidad ng bawat tao.


Ang Moral na Layunin ng Pulitika 

Itinuturo ng Catholic social teaching na hindi lamang nabubuo ang lipunan sa pamamagitan ng mga pribadong pagpapasya; itinatayo rin ito sa magkatuwang na pananagutan.


Tinatawag ng Simbahan na pangunahing layunin ng buhay panlipunan ang kabutihang panlahat—ang kalipunan ng mga kundisyong nagbibigay-daan sa mga indibidwal at komunidad na ganap at maayos na umunlad.


Kabilang dito ang katarungan, rule of law at mga istrukturang nagbibigay-daan sa mga pamilya na mamuhay nang marangal, sa mga manggagawa na magkaroon ng patas na trabaho, sa mga estudyante na makapag-aral, at sa mga mamamayan na mamuhay nang ligtas at payapa.


Ang kabutihang panlahat ay isang moral na layunin, hindi lamang isang slogan. Ito ang pamantayang maaaring gamitin ng mga mamamayan sa pagsusuri sa mga polisiya at lider.

Kapag gumagana ang mga political dynasty na tila namamanang kontrol sa kapangyarihan, may panganib na ituring ang pampublikong buhay na para lamang sa kapakinabangan ng iilang grupo.


Sa halip na pantay na maglingkod sa lahat, may tendensiyang makinabang ang iilan.

Sa halip na lumikha ng mga kundisyong nagbibigay ng pagkakataon sa marami na umangat sa pamamagitan ng kakayahan at paglilingkod, maaaring malimitahan ang access sa kapangyarihan.


At sa halip na palakasin ang tiwala at pananagutan, maaaring mabuo ang kultura ng proteksiyon para sa mga taong malapit sa kapangyarihan. Ang ganitong mga kalakaran ay taliwas sa kabutihang panlahat.


Kalayaan, Pananagutan At Panganib Ng Dinastiya sa Pulitika


Pinagtitibay ng Simbahan ang karapatan ng mga tao na pumili. Kailangang hubugin ng mga Katoliko ang kanilang konsensiya, kumilos ayon sa katotohanan at makilahok sa pampublikong buhay nang may malinaw na pag-iisip at tapat na puso. Ang mga halalan at pampublikong pagpapasya ay kailangang maging tapat, patas at tunay na malaya.


Kung ang kalayaan ay nananatili na lamang sa pangalan habang ang aktuwal na kontrol ay nakapirmi na sa mga network ng patronage, humihina ang tunay na pagpili ng mga botante.

Humihina rin ang pananagutan. Hindi na tunay na napapanagot ang mga lider sa taumbayan at nagiging mas mahirap itama ang mga maling desisyon.


Sa ganitong kalagayan, ang political dynasty ay hindi lamang isang teknikal na usapin. Maaari itong maging seryosong banta sa demokratikong kalayaan. Hindi itinuturing ng simbahan ang demokrasya bilang simpleng mekanikal na proseso lamang. Nangangailangan ito ng moral na mga kundisyon.


Kapag naging hindi patas ang kapaligiran, maaaring patuloy na bumoto ang mga mamamayan, ngunit maaaring hindi lubusang maipakita ng resulta ang tunay na pananagutan ng mga namumuno sa publiko.


Pampublikong Tungkulin: Tiwala, Hindi Pribadong Ari-Arian


Isa sa pinakamalubhang babala ng Catholic teaching hinggil sa pulitika ay na hindi kailanman dapat ituring ang pampublikong posisyon bilang pribadong ari-arian o personal na pribilehiyo. May moral na layunin ang public service: ito ay para sa kabutihang panlahat, hindi para payamanin ang isang pamilya o protektahan ang mga pribadong interes.


Kapag naging tila namamana ang pampublikong posisyon, maaari itong magpalakas ng mapanganib na pag-iisip.


Maaaring simulang tingnan ng isang lider ang kanyang posisyon hindi bilang tiwalang ipinagkaloob ng mga mamamayan, kundi bilang isang pag-aari na dapat pamahalaan para sa kapakinabangan ng pamilya.


Ang ganitong pag-iisip ay maaaring humantong sa paboritismo, maling paggamit ng pondo ng bayan, panunuhol, graft at paggamit ng impluwensiya para sa pansariling pakinabang—mga kabiguang moral na sumisira sa kakayahan ng lipunan na makamit ang katarungan at kapayapaan.


Tunay Na Epekto Ng Politikal Na Dinastiya


Hindi awtomatikong masama ang political dynasty; maaaring maging bukal ng kabutihan at paglilingkod ang isang pamilya.


Gayunman, nakatuon ang Catholic social teaching sa mga pattern at sistema, hindi lamang sa mga indibidwal na intensiyon.


Kapag naging sistema ang political dynasty, maaari nitong patatagin ang kontrol sa kapangyarihan, pahinain ang meritocracy, bawasan ang oportunidad para sa mga kuwalipikadong taong wala sa pamilya, at paliitin ang espasyo para sa tunay na kompetisyong pampulitika na nakabatay sa mga programa, kakayahan at paglilingkod. Dahil dito, maaaring mawalan ng tiwala ang komunidad na makakamit ang katarungan sa pamamagitan ng marangal na trabaho at tapat na halalan.


Nawawala ang tiwala kapag ipinapalagay ng mga tao na walang laman ang mga pangako at ang mga pampublikong proyekto ay kontrolado ng mga taong malapit sa kapangyarihan.

Kapag humina ang tiwala, lalo ring nahahati at nagiging mapagduda ang lipunan, kaya mas nagiging mahirap ipatupad ang mga reporma.


Ang mga mahihirap, na nahaharap na sa maraming hamon, ang unang naaapektuhan.

Nararanasan nila ang kapabayaan, mabagal na paghahatid ng serbisyo at hindi pantay na access sa mga oportunidad.


Kapag ang mga pampublikong yaman ay tila nagiging pabor lamang sa iilan, nagiging mas matindi at matagal ang kahirapan, habang humihina ang pag-asa—isang mahalagang sangkap para sa pangmatagalang pagbabago sa lipunan.


Politikal na Dinastiya Bilang Usaping Moral at Etikal


May ilan na nagsasabing dapat limitahan ang debate sa usapin ng partido: Mas mabuti ba ang isang dynasty kaysa sa iba? Nakatutulong ba ang isang dynasty sa isang partikular na barangay? Ngunit hindi nito natutugunan ang pinakapuso ng usaping moral.


Nais ng Catholic teaching na suriin ng mga mamamayan ang pamumuno batay sa kabutihang panlahat at moral na layunin ng pamahalaan.


Nais nitong protektahan ng mga mamamayan ang demokratikong kalayaan at pananagutan, at pigilan ang kultura ng korupsiyon na maging normal sa lipunan.


Dahil dito, hindi maaaring ituring ang mga dynasty bilang simpleng usapin lamang ng political preference. Isa rin itong usapin ng etika at katarungang panlipunan.


Panawagan ng Simbahan sa Pagkilos


Hindi dapat maging pasibo ang mga Katoliko. Itinuturo ng Simbahan na kailangang makilahok ang mga tao sa pagtataguyod ng kabutihang panlahat, ayon sa kani-kanilang tungkulin at kalagayan. Sa pang-araw-araw na buhay, kabilang dito ang paghubog ng konsensiya sa pamamagitan ng panalangin, paghahanap ng katotohanan at responsableng pagkilos sa pampublikong larangan.


Hubugin ang konsensiya bago bumoto


Huwag bumoto dahil lamang sa apelyido ng pamilya, pagiging pamilyar sa kandidato, takot o panggigipit. Itanong sa sarili ang mga usaping moral: Naglilingkod ba ang kandidato sa kabutihang panlahat? Kumikilos ba siya nang tapat? Umaabot ba sa pinakamahihirap at pinaka-bulnerableng mamamayan ang mga programang pampubliko? May mga palatandaan ba ng korupsiyon o pang-aabuso sa kapangyarihan? Handa ba ang lider na managot at sumailalim sa pagsusuri ng publiko?


Ipaglaban ang patas at Tapat na Halalan


Dapat labanan ng mga Katolikong botante ang pagbili ng boto at pananakot. Dapat nilang suportahan ang mga batas at prosesong nangangalaga sa integridad ng halalan.

Nakadepende ang demokrasya sa mga halalang patas, tapat at malaya sa ilalim ng rule of law.


Talikuran ang Pag-Iisip na ang Posisyon ay Mana


Hindi nangangahulugan ito ng pagtanggi na maaaring maglingkod sa pampublikong posisyon ang mga miyembro ng isang pamilya. Ang ibig sabihin nito ay pagtanggi sa anumang pag-aangkin na ang isang pampublikong posisyon ay personal na pribilehiyong maaaring ipasa mula sa isang henerasyon patungo sa susunod. Nangangahulugan din ito ng pagsuporta sa mga batas at civic reforms na nagpapalawak ng oportunidad para sa mga kuwalipikadong taong nais maglingkod nang may integridad.


PALAKASIN ANG PAGHUBOG SA KOMUNIDAD

Dapat ipagpatuloy ng mga parokya at Catholic schools ang pagtuturo ng moral na pananagutan sa pampublikong buhay. Dapat ituro ng mga pamilya na ang paglilingkod ay hindi paraan upang makakuha ng pribadong pakinabang. Kailangang matutunan ng mga kabataan na ang tunay na pamumuno ay para sa kapakanan ng iba, hindi para sa pansariling proteksiyon.


PANAWAGAN PARA SA MATATAG NA KONSENSIYA


Ang matatag na pamilya ay isang biyaya, ngunit magiging tunay lamang itong biyaya kung gagamitin ang kapangyarihan bilang paglilingkod at hindi bilang kulungan. Ang political dynasty ay hindi lamang usaping pampulitika. Isa rin itong moral at etikal na usapin na maaaring lumabag sa kabutihang panlahat at makapinsala sa demokratikong kalayaan. Ang mga turo ng Simbahan tungkol sa kabutihang panlahat, demokratikong kalayaan at dignidad ng bawat tao ay nananawagan na harapin ang pulitikang dinastiko nang may konsensiya, tapang at naaayon sa batas na pagkilos. Tumugon tayo nang may konsensiya at tapang.


Pangalagaan natin ang matatatag na pamilyang Pilipino, ngunit pangalagaan din natin ang bansa laban sa anumang sistemang gumagamit ng kontrol ng pamilya upang ipagkait sa iba ang katarungan at oportunidad.


Nawa'y pagalingin ng Panginoon ang ating lipunan mula sa kultura ng paboritismo, palakasin ang mga mamamayan na igiit ang transparency at integridad, at gawing biyaya para sa buong bansa ang lakas ng ating mga pamilya—hindi isang mabigat na krus na patuloy na kumukulong sa mga tao sa kahirapan at kapabayaan.


Maria, Tulong ng mga Kristiyano, gabayan mo ang ating bansa tungo sa katarungan at tunay na kapayapaan.


Mula sa Cathedral of Saint John the Evangelist, Dagupan City, September 28, 2026, Feast of San Lorenzo Ruiz


bottom of page