IMPEACHMENT WATCH: ARTIKULO I — Maling paggamit ng confidential funds (Unang bahagi)
Atty. Nena Radoc
October 17, 2026 at 8:00:04 AM

Atty. Nena Radoc
Noong Hulyo 15, 2026, sinimulan ng Senado ang pagdinig sa mga ebidensyang ihaharap ng prosekusyon kaugnay ng Artikulo I ng reklamo para sa impeachment.
Ano ang mga paratang sa Artikulo I?
Tumutukoy ang Artikulo I sa umano’y maling paggamit at paglilihis ng humigit-kumulang ₱612.5 milyon na confidential funds na natanggap ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong nanunungkulan si Sara Duterte bilang bise presidente at kalihim ng edukasyon.
Binubuo ang halagang ito ng ₱500 milyon na inilaan sa OVP at ₱112.5 milyon na inilaan sa DepEd. Kabilang sa mga argumento ng prosekusyon ang mga paratang na nagastos ang pondo sa napakaikling panahon, may ilang resibong kulang sa impormasyon o nakapangalan sa mga kathang-isip na tao, at ginamit, ginastos at niliquidate ang pondo nang labag sa mga tuntunin ng pamahalaan, na maituturing na pagtataksil sa tiwala ng publiko.
Mga tagapamahala ng Land Bank bilang mga testigo
Iniharap ng prosekusyon ang dalawang dating tagapamahala ng Land Bank na nagpatotoong magkahiwalay na pagkakataon nang nagkaroon ng malalaking cash withdrawal ang OVP at DepEd, mga ahensyang hindi karaniwang nagsasagawa ng malalaking pagkuha ng pera sa nakaraan.
Inamin ng mga testigo mula sa bangko na maaaring magmukhang kakaiba ang malalaking cash withdrawal. Gayunman, hindi awtomatikong nangangahulugan ang pagiging kakaiba ng mga ito na may kahina-hinala o ilegal na gawain. Binigyang-diin din ito ng ilang senador na nagsisilbing hukom sa paglilitis.
Hindi nagtagal ang pagtatanong ng kampo ng depensa sa dalawang tagapamahala ng bangko dahil tumestigo lamang ang mga ito tungkol sa mga dokumentong nagpapatunay sa mga transaksyon sa bangko.
Gayunman, naging unang ugnay ang kanilang testimonya sa pagpapalabas ng pondo ng pamahalaan para sa OVP at DepEd.
Mga testigo mula sa COA
Sunod na iniharap ng prosekusyon ang dalawang auditor ng Commission on Audit (COA), sina Roderick Wamil at Xylene Mae Del Campo. Mahalaga ang kanilang mga testimonya dahil mula sa pagsubaybay sa mga transaksiyon sa bangko, naituon ang kaso sa mga resulta ng audit tungkol sa paggamit at paggastos ng pondo.
Ayon sa prosekusyon, nagamit ng OVP ang unang alokasyon nitong ₱125 milyon sa loob lamang ng 11 araw, mula Disyembre 21 hanggang 31, 2022.
Gayunman, kinilala ni Wamil na walang tuntunin ang COA na nagbabawal sa OVP na gastusin ang ₱125 milyon sa loob ng 11 araw.
Ipinaliwanag niyang itinuring lamang na isang pangyayari sa audit ang paggastos sa loob ng 11 araw at hindi ito awtomatikong paglabag. Ang mas mahalagang tanong ay kung saan ginamit ang pera at kung may sapat na dokumentong sumusuporta sa mga gastusin.
Isa sa mga pinagtalunang bahagi ng testimonya ang mga pangalan ng umano’y confidential informants. Iniharap ng prosekusyon ang mga resibong nagpapatunay ng pagtanggap ng bayad na may mga “di-pangkaraniwang (unusual)” pangalan gaya nina Mary Grace Piattos, Nova Santos at Andi Lim.
Sinabi ni Wamil na nakatuon siya sa kawalan ng mga dokumentong magpapatunay na isinagawa ang umano’y pangangalap ng impormasyon o pagmamanman, sa halip na alamin kung tunay o kathang-isip ang mga tumanggap ng pera. Ayon sa kaniya, hindi saklaw ng audit ng COA sa pagsunod sa mga tuntunin ang pagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga ito.
Ayon kay Wamil, hindi sapat ang mga resibo lamang upang patunayan ang bunga ng matagumpay na pangangalap ng impormasyon o pagmamanman ang mga ibinayad, gaya ng hinihingi sa Joint Circular No. 2015-01.
Isa pang mahalagang pangyayari ang testimonya ni Wamil na personal na lumagda si Duterte sa mga dokumentong may kaugnayan sa ₱375 milyon na confidential funds.
Itinuro ng prosekusyon ang mga lagda ni Duterte sa mga disbursement voucher, liquidation report, accomplishment report at sertipikasyon. Ginamit nito ang mga dokumentong ito upang igiit na hindi maaaring basta ipasa ni Duterte sa mga tauhan niya ang pananagutan dahil inaprubahan niya ang mga transaksyon.
Gayunman, sinikap ng depensa na pag-ibahin ang paglagda sa mga dokumento bilang bahagi ng gawaing administratibo at ang aktwal na pananagutan sa ilegal o mapanlinlang na paggastos ng pondo.
Notice of Disallowance (ND) ng COA
Ayon sa mga auditor ng COA, may dalawang Notice of Disallowance (ND) na may kabuuang halagang ₱448.3 milyon mula sa ₱500 milyong confidential funds na aktuwal na nagamit ng OVP. Ang mga ito ay:
ND No. 2024-002-100 — ₱73.3 milyon (2022)
2023 ND — ₱375 milyon (tatlong cash advance na tig-₱125 milyon)
Sa unang ND, humigit-kumulang ₱69.8 milyon ang may kaugnayan sa mga umano’y bayad bilang gantimpala na, ayon sa COA, walang sapat na dokumentong magpapatunay na matagumpay na naisagawa ang pangangalap ng impormasyon o pagmamanman. Samantala, humigit-kumulang ₱3.5 milyon ang ginastos sa mga mesa, upuan, computer at printer na hindi umano sapat ang mga dokumentong isinumite ng OVP upang patunayang may kaugnayan ang mga ito sa mga kumpidensiyal na operasyon.
Itinukoy sa ND sina Sara Duterte, Gina Acosta, Special Disbursing Officer (SDO), at Julieta Villadelrey, Chief Accountant, bilang mga opisyal na may pananagutan sa pondo. Inapela ang ND sa COA Commission Proper, ngunit pinagtibay ito at naging pinal. Gayunman, sinabi ni Presiding Officer Francis Escudero na maaari pa ring iapela sa Korte Suprema ang isang pinal na ND.
Saklaw naman ng ikalawang ND ang una, ikalawa at ikatlong quarter ng 2023, kung kailan tumanggap ang OVP ng tig-₱125 milyong cash advance sa bawat pagkakataon, na may kabuuang ₱375 milyon.
Noong Marso 31, 2026, naglabas ang COA ng ND para sa buong ₱375 milyon dahil ang mga gastusin ay umano’y walang sapat na dokumentong sumusuporta o hindi kabilang sa mga pinahihintulutang paggagamitan ng confidential funds. Maaari pa itong iapela sa COA Commission Proper.
Nagpatotoo si Wamil na hindi kabilang sa mga pinahihintulutang gastusin mula sa confidential funds, alinsunod sa nasabing joint circular, ang mga tulong medikal at pagkain, gayundin ang mga insentibo at gastusin sa paglalakbay.
Tinanong si Del Campo tungkol sa naunang salaysay ni Gina Acosta na iniabot niya ang confidential funds kay Col. Raymund Dante Lachica, na noo’y hepe ng seguridad ni Duterte, alinsunod sa mga tagubilin ng bise presidente.
Ayon kay Del Campo, paglabag sa mga tuntunin ng pamahalaan ang paglilipat ng cash advance mula sa itinalagang SDO patungo sa ibang tao. Dapat manatili ang pondo sa awtorisadong special disbursing officer sa halip na ilipat sa ibang opisyal.
Sa pagtatanong ng abogado ng depensa kay Del Campo, partikular na itinanong kung ginamit mismo sa Notice of Disallowance ng COA ang mga salitang “maling paggamit, katiwalian o paglilihis ng pondo (misuse, corruption or misappropriation).”
Kinilala ng auditor na wala sa Notice of Disallowance ang mga terminong ito. Mahalaga ang pag-amin na ito dahil ang disallowance ng COA ay tumutukoy sa problema sa accounting o audit, ngunit hindi ito awtomatikong patunay na nilihis ni Duterte ang pondo ng publiko o nakagawa siya ng paglabag na maaaring maging batayan ng impeachment.
Magpapatuloy ang pagdinig sa Artikulo I sa pamamagitan ng testimonya ng dating Special Disbursing Officer ng OVP na si Gina Acosta.
(Magpapatuloy sa Ikalawang Bahagi)
Si Atty. Nena Radoc ay isang CPA-lawyer na may MBA at mahigit 40 taong karanasan sa pamamahala sa mga lokal at multinasyonal na kumpanya.
Paalala: Ang mga opinyong ipinahayag ng may-akda ay kaniya lamang at hindi kumakatawan sa mga pananaw ng Paraluman News.
