Higit pa sa pagiging una: Pagbibigay-puwang sa bawat isa
Paulina Porwollik
October 20, 2026 at 4:44:39 AM

Paulina Porwollik
Ang makapaglakad sa runway ng London Fashion Week ay isa sa mga pinaka-humbling experience sa buhay ko. Maaaring isipin na ang mundo ng fashion ay umiikot sa makikitid na pamantayan ng pagiging perpekto. Kaya para sa akin, ang maging isa sa mga unang modelong may iba’t ibang kakayahan (multi-abled) na nabigyan ng ganitong pagkakataon ay higit pa sa isang fashion show o isang sandali sa ilalim ng mga ilaw.
Ipinagmamalaki ko ang pagkakataong ito, pero nakaramdam din ako ng kaba. Batid kong kinakatawan ko ang mga taong bihirang makitang pinahahalagahan at ipinagdiriwang sa mainstream na kultura ang kanilang mga katawan.
Nanatili sa akin ang ganitong pakiramdam ng pananagutan nang makipagtulungan ako sa Adidas at kalaunan ay sa Primark para sa magazine na Grazia. Mga pagkakataon ang mga ito na dati ay hirap akong isipin na makakamit ko, dahil madalas hindi kabilang ang mga taong tulad ko sa mga larawang humuhubog sa mga pangarap at mithiin ng mga tao.
Nakakatuwang mapabilang sa mga ganitong larangan, pero nakaaantig din ito ng damdamin. Maaaring may isang kabataan sa kung saan na makakita sa kampanya at mapagtantong para rin sa kanila ang fashion, sports at pagkamalikhain.
Bahagi ng aking paglalakbay ang mga tagumpay na ito, pero higit pa sa akin ang kahulugan ng mga ito. Sa tuwing may taong multi-abled na lumalabas sa runway, magazine o advertising campaign, hinahamon nito ang mga palagay ng lipunan tungkol sa kung sino ang maaaring kumatawan sa estilo, kumpiyansa sa sarili, mga pangarap at katatagan. Hinihikayat din nito ang industriya na palawakin ang pag-unawa nito sa kagandahan.
Mahalaga ang representasyon dahil pinalalawak nito ang ating pananaw sa mga bagay na posible nating makamit. Kapag hindi mo nakikita ang iyong sarili sa mga magazine, patalastas, telebisyon o pelikula, madaling maisip na hindi gaanong mahalaga o karapat-dapat bigyang-pansin ang iyong kuwento.
Maaaring hindi tuwirang ipinahahayag ang ganitong mensahe, pero maaari nitong maapektuhan ang kumpiyansa sa sarili, mga pangarap at pakiramdam ng pagiging kabilang. Hindi kayang lutasin ng pagiging nakikita sa publiko ang lahat ng hadlang na kinakaharap ng mga taong multi-abled, pero makatutulong ito upang hamunin ang mga pananaw na nagpapanatili sa mga hadlang na iyon.
Nagpapasalamat ako sa mga pagkakataong natanggap ko, pero hindi dapat maging dahilan ang pasasalamat para tumigil tayo sa paghiling ng higit pa. Madalas ituring ang mga taong may kapansanan at multi-abled bilang natatanging tampok lamang, minsanang pagpili sa isang modelo o pambihirang halimbawa na dapat hangaan.
Lumalabas kami sa mga kampanya para sa pagpapataas ng kamalayan, pero nawawala rin sa mga kuwentong humuhubog sa popular na kultura. Ang tunay na inklusibong lipunan ay nangangahulugang kabilang kami nang hindi kailangang ipaliwanag kung bakit naroon kami.
Nais kong makakita ng mga modelong multi-abled sa mga fashion week, hindi bilang pambihirang tampok na kailangang gawing pangunahing balita, kundi bilang likas na bahagi ng industriya. Nais kong makita kami sa mga beauty campaign, patalastas sa sports, mga comedy at drama, at mga reality show.
Nais kong maunawaan ng mga manunulat, direktor, designer at casting team na ang buhay namin ay may halong katatawanan, ambisyon, pag-ibig, kabiguan, estilo, galit at saya. Hindi lamang kami mga kuwentong tungkol sa paglampas sa mga pagsubok. Ganap kaming mga taong may sari-sariling buhay at pagkatao.
Lalo kong inaasam na makakita ng mga huwarang personalidad na multi-abled. Nararapat lamang na magkaroon ang mga bata ng mga bayaning mapapanood sa pelikula na may iba’t ibang paraan ng pagkilos at pagharap sa mundo. Ang kanilang lakas ay hindi dapat nakabatay sa pagkakaroon ng pisikal na anyong itinuturing na “perpekto,” at hindi dapat ituring na kailangang pagalingin ang kanilang pagkakaiba bago nila mailigtas ang iba.
Isipin na lamang ang magiging epekto ng isang bayani sa blockbuster na pelikula na gumagamit ng mga pantulong na teknolohiya, wheelchair o prosthetic limb, nang hindi ginagawang sentro ng kuwento ang kaniyang kapansanan. Hindi lamang nito mabibigyang-inspirasyon ang mga batang multi-abled. Maituturo rin nito sa lahat ng bata na maraming anyo ang tapang, pamumuno at kapangyarihan.
May pag-unlad na, at ipinagmamalaki kong nakapag-ambag ako kahit sa maliit na paraan. Pero mapait din ang pakiramdam ng pagiging kabilang sa mga nauna. Isang karangalan ito, ngunit paalala rin na marami pang mahuhusay na tao ang hindi nabibigyan ng pagkakataon at malayo pa ang ating kailangang marating.
Simple lamang ang aking pag-asa: balang araw, hindi na maituturing na pambihirang tagumpay ang makita ang isang taong tulad ko sa runway, magazine, kampanya sa sports o sa malaking screen. Magiging normal na lamang ito.
Hanggang hindi pa dumarating ang araw na iyon, patuloy akong hahakbang pasulong nang may pasasalamat, pagmamalaki at malinaw na layunin, habang pinananatiling bukas ang pinto upang marami pang iba ang makasunod.
