top of page

Ano ang dapat gawin kapag binu-bully ka ng isang “kaibigan,” kapitbahay, o katrabaho

Veronica Velarde-Pulumbarit

October 6, 2026 at 7:28:58 AM

Veronica Velarde-Pulumbarit

Veronica Velarde-Pulumbarit

Naranasan mo na bang ma-bully?

 

Maaaring mas karaniwan ang bullying kaysa sa iniisip natin, at marami sa atin ang maaaring nakararanas nito nang hindi man lang namamalayan.

 

Ayon sa mga pagtataya ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), isa sa bawat tatlong estudyante sa buong mundo ang nakararanas ng bullying sa paaralan bawat buwan. Sa isang paaralan na may 300 estudyante, katumbas ito ng humigit-kumulang 100 mag-aaral na nakararanas ng bullying buwan-buwan.

 

“Mahigit 36% ng mga mag-aaral ang nakararanas ng pisikal na away sa kanilang mga kapwa, at halos isa sa bawat tatlo ang pisikal na inatake kahit isang beses sa loob ng isang taon (Over 36% of learners experience a physical fight with their peers, and almost one in three has been physically attacked at least once in a year),” iniulat ng UNESCO.

 

Nakababahala rin ang sitwasyon sa mga nasa hustong gulang. Ayon sa isang pandaigdigang joint study ng United Nations’ International Labour Organization (ILO), Lloyd’s Register Foundation, at Gallup, 22.8% ng mga nagtatrabaho sa buong mundo ang nakaranas ng harassment o karahasan sa lugar ng trabaho, na nangangahulugang halos 20 sa bawat 100 manggagawa ang nakararanas ng ilang uri ng bullying sa kanilang propesyonal na buhay.

 

Ano ang Bullying?

 

Ayon sa StopBullying.gov, karaniwang nahahati ang bullying sa tatlong pangunahing uri:

 

Verbal Bullying: Pang-iinsulto, panunukso, pang-aasar, pagbabanta na mananakit, o paggawa ng hindi naaangkop na seksuwal na komento.

 

Social Bullying: Mga gawaing naglalayong sirain ang reputasyon o relasyon ng isang tao, tulad ng pagpapakalat ng kasinungalingan o tsismis, pagpapahiya sa publiko, o sadyang hindi pagsama sa isang tao.

 

Physical Bullying: Mga gawaing nagdudulot ng pisikal na pananakit sa isang tao o pagkasira ng kanyang mga gamit, kabilang ang pananakit, pagsipa, pagkurot, pagdura, pagtulak, at iba pang agresibong kilos.

 

Cyberbullying

 

Ayon sa organisasyong STOMP Out Bullying, ang cyberbullying ay bullying na ginagawa gamit ang digital na paraan, kabilang ang computers, tablets, at mobile phones.

 

Kabilang dito ang paggamit ng email, websites, chat rooms, messaging apps, at social media platforms upang pahirapan, harass, o ipahiya ang isang tao, kadalasan sa pamamagitan ng pagpapakalat ng negatibo at maling pahayag online.

 

Gayunman, ang pagbabahagi ng totoo at maayos na dokumentadong impormasyon tungkol sa isang tao ay hindi itinuturing na cyberbullying.

 

Ayon sa Respicio Law Office, ang pangunahing pagkakaiba ay nakasalalay sa intensyon at paraan ng pagpapahayag.

 

Ang isang tunay na babala ay nakabatay sa mapatutunayang mga impormasyon at inihahayag nang may paggalang. Samantala, ang online bullying ay ginagawa nang walang ingat na may tanging layuning sirain ang reputasyon ng isang tao.

 

Ano ang Dapat Gawin Kapag Nakaranas ng Bullying

 

Kung ikaw o isang taong kilala mo ay nakararanas ng bullying, may mga legal na proteksiyon at institusyong maaaring lapitan sa Pilipinas:



  1. Sa Komunidad

 

Kung nakararanas ka ng bullying, harassment, o pisikal na pagbabanta sa inyong lugar, maaaring lumapit sa:

 

Barangay Violence Against Women and Children (VAWC) Desk / Barangay Council for the Protection of Children (BCPC)

 

Philippine National Police (PNP) Women and Children Protection Desk (WCPD)

Child Protection / Child Welfare Services: Tumawag sa DSWD Hotline sa 1393 o makipag-ugnayan sa inyong lokal na City/Municipal Social Welfare and Development Office (CSWDO).



  1. Sa Paaralan

 

Ang bullying sa basic education (elementarya at high school) ay saklaw ng Republic Act No. 10627 (The Anti-Bullying Act of 2013).

 

School Administration and Guidance Office: Sa ilalim ng RA 10627, inaatasan ang lahat ng paaralan na magkaroon ng Anti-Bullying Policies, malinaw na proseso ng pagrereport, at mga disciplinary measure.

 

Child Protection Committee (CPC): Inaatasan ang bawat paaralan na magkaroon ng CPC upang tugunan ang mga kaso ng bullying, child abuse, at iba pang usapin sa kaligtasan.

 

Department of Education (DepEd): Kung hindi naaaksyunan ng paaralan ang insidente, direktang mag-report sa pamamagitan ng email sa lrpo@deped.gov.ph o tumawag sa (02) 8637-4966.

 

Higher Education (Colleges & Universities): I-report ang mga insidente sa Office of Student Affairs (OSA), Dean's Office, o University Guidance Center alinsunod sa Student Code of Conduct ng paaralan at Safe Spaces Act (RA 11313).



  1. Sa Lugar ng Trabaho

 

Ipinagbabawal sa ilalim ng labor standards at Safe Spaces Act (RA 11313) ang harassment, pananakot, at pampublikong pamamahiya sa lugar ng trabaho.

 

Department of Labor and Employment (DOLE): Maaaring makipag-ugnayan ang mga manggagawa sa DOLE Hotline sa 1349 upang i-report ang workplace harassment, hindi patas na pagtrato, o hindi ligtas na working environment.



  1. Sa Social Media at Online Platforms

 

Saklaw ng Republic Act No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) at Safe Spaces Act ang online harassment, defamation, at cyberbullying.

 

PNP Anti-Cybercrime Group (ACG): Tumawag sa 0998-598-8178, (02) 8723-0401 ext. 5313, o mag-email sa acg@pnp.gov.ph.

 

NBI Cybercrime Division (NBI-CCD): Mag-email sa ccd@nbi.gov.ph o tumawag sa (02) 8523-8231.

 

In-App Safety Tools: I-report, i-block, o i-restrict ang mga mapang-abusong account nang direkta sa Facebook, X, Instagram, at TikTok gamit ang kanilang integrated safety centers.

 

National Privacy Commission (NPC): Kung sangkot sa cyberbullying ang hindi awtorisadong pagbabahagi ng personal data, mga larawan, o pribadong impormasyon, mag-email sa info@privacy.gov.ph.



  1. Mental Health at Crisis Support

 

Maaaring magkaroon ng matinding epekto ang bullying sa emosyonal at psychological well-being. Makukuha ang agarang suporta sa pamamagitan ng:

 

National Center for Mental Health (NCMH) Crisis Hotline:

Landline: 1553 (Toll-Free)

Mobile: 0917-899-8727 / 0966-351-4518

Hopeline Philippines: (02) 8804-4673 / 0917-558-4673

In Touch Community Services: (02) 8893-7603 / 0917-800-1123

 

Mga pananaw sa paninindigan laban sa bullying

 

 “Sinasabi ng mga tao na maaaring mabali ng mga patpat at bato ang iyong mga buto, pero hindi ka kailanman masasaktan ng mga tawag o bansag sa iyo. Ngunit hindi iyon totoo. Maaaring makasakit ang mga salita. Nasaktan ako ng mga ito. May mga sinabi sa akin na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nakakalimutan.”

—Demi Lovato, mang-aawit at aktres

 

 “Palagi kang pupunahin, tutuyain at bubullyhin dahil sa mga bagay na nagpapakaiba sa iyo, pero kadalasan, ang mga bagay na iyon din ang siyang magtatangi sa iyo. Ang mga bagay na nagbukod sa iyo sa karamihan, na dati mong inakala na iyong mga kahinaan, ay balang-araw magiging iyong mga kalakasan.”

— Taylor Swift, mang-aawit at manunulat ng awit

 

 “Walang sinuman ang makapagpaparamdam sa iyo na mas mababa ka kung hindi mo ito pahihintulutan.”

— Eleanor Roosevelt, dating First Lady ng Estados Unidos

 

“Ang aming prinsipyo ay kapag mababa ang kanilang ginagawa, panatilihin mong mataas ang iyong asal.”

— Michelle Obama, dating First Lady ng Estados Unidos

 

Mahahalagang paggunita laban sa bullying

 

World Day of Bullying Prevention: Ipinagdiriwang tuwing unang Lunes ng Oktubre; Oktubre 5 ngayong 2026.

 

National Stop Bullying Day: Ipinagdiriwang tuwing ikalawang Miyerkules ng Oktubre; Oktubre 14 ngayong 2026.

 

International Day against Violence and Bullying at School, including Cyberbullying: Itinalaga ng mga kasaping bansa ng UNESCO at ipinagdiriwang taun-taon tuwing unang Huwebes ng Nobyembre; Nobyembre 5 ngayong 2026.

 

Veronica Velarde-Pulumbarit / Paraluman News

 

Si Veronica ay Managing Editor ng Paraluman News. Matapos niyang maranasan ang bullying sa iba’t ibang yugto ng kanyang buhay, tangan niya ang isang prinsipyong nagsisilbing gabay:

 

“Huwag kailanman matakot na manindigan laban kaninuman kapag alam mong nasa tama ka at nagsasabi ka ng katotohanan.”

 

Ang mga salitang ito ay sinabi sa kanya ng kanyang yumaong ama noong siya ay nasa high school, at ito ang prinsipyong patuloy niyang isinasabuhay hanggang ngayon.

 

Oktubre 5 ang World Day of Bullying Prevention.

bottom of page