Ang tatlong orasan ng transisyon sa klima
Gretel Cuevas
October 18, 2026 at 7:48:27 AM

Gretel Cuevas
Nasa loob ako ng isang conference room sa Copenhagen na hindi pangkaraniwang mainit nang lumabas sa screen ng aking laptop ang balita tungkol sa mapaminsalang pagbaha sa Nepal.
Habang tinatalakay ng isang panel ng mga international climate lawyer ang mga mainam na paraan kung paano dapat tumugon ang batas sa climate change sa mga susunod na taon, kasabay namang nilalamon ng baha ang dose-dosenang nayon at bayan.
Pumunta ako sa Denmark upang dumalo sa ika-13 European Environmental Law Forum at ilahad ang isang papel na kamakailan ko lamang inilathala tungkol sa pangangailangang isama sa Paris Agreement ang pamamahala sa mga kritikal na mineral.
Iminungkahi sa aking artikulo ang pagpapatibay ng isang desisyon sa ilalim ng kasunduan na tahasang nananawagan para sa maayos na pamamahala sa buong value chain ng mga kritikal na mineral sa konteksto ng transisyon sa enerhiya, habang isinasaalang-alang ang epekto ng pagkuha ng mga ito sa kapaligiran at karapatang pantao.
At tulad ng ginawa ko ilang araw bago nito sa isa pang pandaigdigang kumperensiya sa batas sa Cambridge, plano kong umakyat sa entablado at ihatid ang parehong talumpati.
Ihahain ko sana ang isang “ideal” na konseptuwalisasyon kung ano dapat ang hitsura ng pamamahala sa mga kritikal na mineral sa gitna ng transisyon sa enerhiya. Gayunman, alam nating lahat na maliit ang posibilidad na maisakatuparan ito sa ilalim ng kasalukuyang sistema. Isinama ko pa nga sa dulo ng aking presentasyon ang isang sipi mula sa akda ni Koskenniemi (2012), na nagsasabing: “Ang batas ay pagpapahayag ng puntong nasa pagitan ng mga pinahahalagahang mithiin ng isang lipunan at ng mga bagay na tunay na posibleng maisakatuparan (Law is an expression of the midpoint between a society’s aspirational values and what is actually possible).”
Habang pinakikinggan ko ang iba pang mga presentasyon, na marami sa mga ito ay nagsusuri sa mga pagkukulang ng sistema at sa mga pagbabagong kailangang mangyari upang makamit ang tunay na pagbabago, napagtanto kong tulad ko, karamihan sa mga iskolar at eksperto sa pandaigdigang batas ay itinuturing na “utopia” o “mga mithiin” ang sarili nilang mga ideya.
Habang nakaupo sa conference room na iyon, napagtanto kong hindi ko pa kailanman tinanong ang aking sarili kung saan nagmumula ang ganitong “imposibilidad.” Higit sa lahat, hindi ko naitanong kung paano naging ganito ang sistema—isang halimaw na habang mas nauunawaan natin ay lalo namang tila nagiging mahirap paamuin.
Matapos itong pag-isipan, may isang bagay na pumasok sa isip ko. Marahil, hindi kailanman ang climate change o ang sistemang pampolitika at legal ang tunay na halimaw, kundi isang bagay na higit na karaniwan: ang panahon.
Hindi tulad ng buhay ng tao, hindi sumusunod sa iisang takbo ng panahon ang transisyon sa klima. Sa halip, gumagalaw ito ayon sa tatlong magkakaibang orasan, na bawat isa ay may sariling bilis at takbo.
Ang una ay ang orasan ng climate change. Mula pa noong Rebolusyong Industriyal, ilang siglo nang naiipon sa atmospera ang mga greenhouse gas emission, na lubhang nagbabago sa mga sistema ng klima ng daigdig. Ngunit umabot na tayo sa puntong kayang kumitil ng mga natural na sakuna sa buhay ng libo-libong tao sa loob lamang ng ilang oras.
Sa kasamaang-palad, hindi natatangi ang nangyari sa Nepal. Isa lamang ito sa hindi mabilang na mga trahedyang dulot ng krisis sa klima na hindi naghihintay sa mga bagong negosasyon o kasunduan. Nasa puntong apurahan na ang takbo ng orasan na ito, at kailangan nating makahanap ng mga solusyon. Kung hindi, parami nang paraming komunidad ang magbabayad sa pinsalang dulot nito.
Ang ikalawang orasan ay ang orasan ng ating mga ekonomiya. Ang pagpapalit sa isang buong sistemang pang-ekonomiya na nakabatay sa fossil fuel ay nangangailangan ng malawakang pagbabago sa mga supply chain, industriya, at imprastraktura.
Maaaring abutin ng ilang dekada ang pagbabago sa industriya at ekonomiya. Para sa mga umuunlad na bansa tulad ng Pilipinas, nagbubukas ito ng maraming tanong tungkol sa kaunlaran, katarungan, at pagkakapantay-pantay.
Paano natin mapapalitan ang isang buong sistemang pang-ekonomiya nang sapat ang bilis upang makatugon sa climate change, ngunit may sapat na pagpaplano upang maisaalang-alang ang magkakaibang kalagayan at antas ng pag-unlad ng mga bansa sa buong mundo?
Ang ikatlong orasan naman ang nagtatakda sa bilis ng pagkilos at pagbabago ng mga institusyong namamahala at ng pandaigdigang batas. Upang mapamahalaan ang transisyon sa enerhiya, kailangan ding baguhin ang mga institusyong pampolitika at legal na nabuo sa paligid ng sistemang pang-ekonomiyang pinatatakbo ng fossil fuel at hinubog ng ilang dekada ng globalisasyon.
Hindi idinisenyo ang mga kasalukuyang institusyong legal upang suportahan ang pagbabagong hinihingi natin sa kanila o ang bilis na kinakailangan upang maisakatuparan ito. Halimbawa, maraming probisyon sa pandaigdigang batas sa pamumuhunan, gaya ng mga mekanismo para sa pagresolba ng mga sigalot sa pagitan ng mga mamumuhunan at estado, ang idinisenyo upang tiyakin ang katatagan at seguridad ng mga mamumuhunan—kahit pa maisantabi ang pangangalaga sa kapaligiran o karapatang pantao.
Halimbawa, natukoy ng United Nations Conference on Trade and Development (UNCTAD) ang hindi bababa sa 175 kasong isinampa laban sa mga bansa sa ilalim ng mga probisyon ng mga kasunduan sa pamamagitan ng mekanismong Investor-State Dispute Settlement (ISDS), kaugnay ng pagpapatupad ng mga hakbang para sa pangangalaga sa kapaligiran mula 1987 hanggang 2021.
Kung gayon, paano natin mababago ang isang sistema gamit ang mga kagamitang idinisenyo upang protektahan ang kasalukuyang sistema? Kung tama ang aking panukala, ito ang dapat nating itanong: kung hindi natin mapatatakbo sa iisang bilis ang tatlong orasan, paano tayo makalilikha ng mga mekanismo ng pamamahala na isinasaalang-alang ang mga pagkakaibang ito?
Paano tayo makalilikha ng mga hakbang upang matulungan ang mga komunidad na ngayon pa lamang ay nararanasan na ang mga epekto ng climate change, habang tinitiyak din ang pangmatagalang pamumuhunan na kailangan para sa pagbabago ng ekonomiya? Paano tayo makabubuo ng mga bagong institusyong namamahala at legal na makatutugon sa mga hamon ng ating panahon?
Sa huli, ang pagbisita ko sa Copenhagen ay nag-iwan sa akin ng isang mahalagang pagninilay: ang transisyon sa klima ay isa ring transisyon ng sangkatauhan na umuusad sa bilis na hindi natin kayang sabayan. Hindi lamang natin layuning baguhin ang ating mga sistemang pang-ekonomiya, industriyal, at pang-enerhiya. Kailangan din nating baguhin kung paano tayo, bilang mga indibidwal at lipunan, nakikisalamuha sa mundong nakapaligid sa atin, gayundin kung paano natin binabago at inaangkop ang ating mga institusyon sa mga hamon ng climate change.
Kapag sinimulan lamang nating isaalang-alang ang mga pagkakaiba sa bilis ng pagtakbo ng tatlong orasan, saka tayo makabubuo ng mga solusyong hindi na lamang mananatiling mga ideyal na tila imposibleng maisakatuparan.
Tungkol sa may-akda
Si Gretel Cuevas ay isang researcher at manunulat na tumatalakay sa ugnayan ng mga kritikal na mineral, transisyon sa enerhiya, at pag-unlad ng ekonomiya. Nakatuon ang kaniyang pananaliksik sa kung paano makabubuo ang mga bansang mayaman sa likas na yaman ng mas makatarungan at napapanatiling kinabukasan sa pamamagitan ng mas mahusay na pamamahala, mga patakarang pang-industriya, at pandaigdigang kooperasyon.
Nagsasaliksik siya sa Department of Engineering ng University of Cambridge, kung saan nakikipagtulungan siya sa programang Climate Compatible Growth (CCG) sa mga pag-aaral tungkol sa mga supply chain ng kritikal na mineral, pag-unlad ng industriya, at transisyon sa enerhiya. Kabilang sa kaniyang mga gawain ang pakikipagtulungan sa mga pamahalaan, pandaigdigang organisasyon, at mga katuwang sa pagpapaunlad.
Bilang Watson Fellow, nagsagawa si Gretel ng pananaliksik sa mga komunidad na apektado ng pagmimina sa iba't ibang bahagi ng Africa at Asia. Nakipagtulungan din siya sa Foreign, Commonwealth & Development Office (FCDO) ng United Kingdom, gayundin sa mga pamahalaan at organisasyon ng civil society sa Zambia at Malawi, hinggil sa mga usapin ng kritikal na mineral, mga patakarang pang-industriya, at pagbabago sa ekonomiya.
Bukod sa kaniyang gawaing akademiko, sumusulat din si Gretel ng mga sanaysay at kuwentong kathang-isip na tumatalakay sa karanasan ng tao sa likod ng pagkuha ng likas na yaman, pag-unlad, at mga pagbabago sa kapaligiran.
Pahayag ng Paglilinaw: Ang mga opinyong ipinahayag ng may-akda ay kaniya lamang at hindi sa anumang paraan kumakatawan sa mga pananaw ng Paraluman News.
