top of page

Ang Pakinabang ng Integridad: Ang halaga ng pagkakaroon ng kaalaman

David Walmsley

September 27, 2026 at 9:25:26 AM

David Walmsley

David Walmsley

Hindi tayo kapos sa impormasyon. Wala pa tayong panahong nagkaroon ng ganito karaming impormasyon. Gayunman, sa iba't ibang panig ng mundo, nahihirapan pa rin ang mga tao na sagutin ang mga pinakasimpleng tanong: Ano ba talaga ang nangyari? Sino ang nagpasya kung ano? Totoo ba ito?


Ito ang kabalintunaan ng ating panahon. Ang mga lipunang pinakakonektado sa kasaysayan ay siya ring kabilang sa mga pinaka-bulnerable sa kalituhan, manipulasyon at kawalan ng tiwala. Mas mabilis kumalat ang impormasyon kaysa sa pagdating ng pananagutan. Mas binibigyang-gantimpala ng mga algorithm ang galit kaysa katumpakan.


Sa pamamagitan ng artificial intelligence, kayang lumikha ng tila kapani-paniwalang kasinungalingan sa napakalaking dami. Sa ganitong kapaligiran, ang karapatang malaman ang katotohanan ay hindi lamang usapin ng transparency: ito ang tibok ng kalayaan.


Kung wala tayong tumpak na pag-unawa sa mga nangyayari at sa mga ginagawa sa ating pangalan, lalong kumakapal ang ulap ng panlilinlang. Nagkakaroon ng mas malaking puwang ang mga mapanlinlang na aktor upang iligaw ang publiko nang walang pananagutan. Pinakabulnerable ang isang lipunan kapag ipinagkakait dito ang access sa impormasyon.


Ayon sa Access Now at #KeepItOn coalition, naitala ang 313 internet shutdowns sa 52 bansa noong 2025—ang pinakamataas na bilang na naitala. Hinaharangan ng mga internet shutdown ang pamamahayag, pinatatahimik ang mga komunidad at ipinagkakait sa mga tao ang impormasyong maaaring maging mahalaga, maging sa kanilang kaligtasan.


Mahalagang sandigan ng information integrity ang mga batas na nagbibigay sa publiko ng access sa impormasyon, at nagpapakita ng progreso rito ang pinakahuling monitoring ng UNESCO. Sa kanilang 2025 survey, 141 bansa ang may legal na garantiya para sa access to information. Ngunit ang pagpapatibay ng batas ay hindi nangangahulugang awtomatiko itong naipatutupad. Marami pa ring bansa ang may kakulangan sa oversight, proseso ng apela, enforcement, record-keeping at data management.


Sa mga bansang sinuri, 51 ang hindi nakapagbigay ng record-keeping data kahit iniulat nilang mayroon silang mga sistema o pamamaraan para rito.

Mahalaga ang information commissioners at iba pang oversight bodies upang gawing aktuwal at maipatutupad na karapatan ang mga probisyon ng batas. Ngunit marami sa mga institusyong ito ang nahaharap sa mahihinang mandato, pagkaantala sa appointment ng mga opisyal, pagbawas ng budget, political interference, limitasyon sa kanilang kapangyarihan at mga pag-atake sa kanilang independence.


Upang maging epektibo ang access to information, kailangang protektado sa ilalim ng batas ang mga institusyong ito, may sapat na kapangyarihan at resources, at malaya sa hindi nararapat na impluwensiya. Lalong pinagtibay ang agwat na ito ng isang 2025 pagsubok ng access to information laws na isinagawa nang magkasama ng UNESCO at ng Centre for Law and Democracy.


Sa 146 magkakaparehong request sa 76 na bansa, 38 porsiyento ang walang natanggap na substantive response, 42 porsiyento lamang ang humantong sa full disclosure, at umabot sa average na 22 araw ang response time. Uulitin ngayong taon ang katulad na pagsusuri upang masukat kung may pagbabago.


Kailangang patuloy na umunlad ang access to information. Ngunit makikita ang mga kakulangan nito kahit sa mga bansang may batas na ginawa nang may mabuting layunin. At kapag nagkaroon ng information vacuum, nagiging kailangang-kailangan ang matapang at malayang pamamahayag. 


Pinipino ng pamamahay ang impormasyon upang maging kapaki-pakinabang na kaalaman ng publiko. Sinisiyasat nito ang mga isyu, nagtatanong, nagbeberipika at nagbibigay ng konteksto, ngunit nilalabanan din nito ang disinformation. Nagtatanong ang mga mamamahayag ng mga tanong na maaaring ayaw marinig ng ilang panig. At binibigyan nito ang mga mamamayan ng kakayahang makilahok nang makabuluhan sa pampublikong buhay.

Hindi kathang-isip ang pinsalang dulot ng disinformation. Tinataya ng UNESCO na ang mga kaso ng disinformation ay maaaring magdulot ng US350 bilyon hanggang US510 bilyon na economic at social costs bawat taon.


Kabilang dito ang paghina ng public health responses, pagbaluktot sa halalan, pagkaantala ng climate action, financial losses, pinsala sa reputasyon at pagguho ng tiwala sa mga institusyon.

Dahil dito, ang disinformation ay hindi lamang problema sa komunikasyon. Isa rin itong panganib sa pamamahala, economic liability at direktang banta sa kakayahan ng mga tao na gumawa ng matalinong desisyon.

Mahalagang panangga sa problemang ito ang mga public service broadcaster at independent news media organization.


Hindi lamang nila layuning habulin ang engagement sa anumang paraan. Ang kanilang mandato ay magbigay ng impormasyon at maglingkod sa lahat ng audience. Ngunit sabay-sabay silang nahaharap sa fragmented audiences, bumababang tiwala ng publiko, political interference, financial constraints, pagdepende sa digital platforms at mabilis na pagdami ng false, synthetic at manipulated content. Ang kanilang pakikibaka upang patuloy na makagawa ng de-kalidad na journalism ay hindi lamang problema ng media sector. Kabilang sa kailangang tugon ang mas malaking investment sa public-interest journalism, editorial independence, fact-checking, open-source verification, media and information literacy at cross-border collaboration.


Kung kayang kumalat ng kasinungalingan sa buong mundo, kailangang makipagtulungan din sa iba't ibang bansa ang mga tagapaghatid ng mapagkakatiwalaang journalism. Mas magiging mahina at marupok ang information ecosystem kung mawawala ang public service media. Ngunit hindi nila kayang ipagtanggol ang information ecosystem nang sila lamang.


Sa World News Day at International Day for Universal Access to Information, praktikal ang hamon, at nananawagan kami sa lahat ng aktor sa information space na pagbutihin ang kanilang ginagawa:


• Ipatupad dapat ng pamahalaan ang mga batas sa access to information at protektahan ang independent oversight.

• Akuin ng mga platform at technology company ang buong responsibilidad sa mga information space na kanilang nililikha, alinsunod sa international human rights law.

• Palaging unahin ng mga organisasyon sa medya ang mahigpit at masusing pamamahayag kaysa sa lawak ng naaabot na audience. Ang malaya at maaasahang daloy ng impormasyon ay pakinabang ng buong lipunan. Ngunit nakasalalay ito sa mga awtoridad na nagpoprotekta sa access to information, mga mamamahayag na inuuna ang paghahanap sa katotohanan at karapatan ng bawat mamamayan sa mga katotohanan. Totoo ang pakinabang ng integridad. Ngunit makakamit lamang ito kung lahat tayo ay gagampan ng ating bahagi.


Si David Walmsley ay president ng World Editors Forum at editor-in-chief ng Globe and Mail.

Ang opinion piece na ito ay isinulat bilang bahagi ng World News Day campaign, isang pandaigdigang kampanya na nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng pamamahayag sa paghahatid ng mga katotohanan at malinaw na impormasyon.

Ang mga muling maglalathala ay kinakailangang panatilihin ang talatang nasa itaas at kilalanin ang orihinal na may-akda.


Malayang maaaring muling ilathala nang buo at isalin, basta’t tapat na naipapakita ng salin ang orihinal na nilalaman at hindi binabago ang kahulugan o diwa nito. Pinahihintulutan ang maliliit na pagbabago para sa haba o pagsunod sa estilo ng publikasyon, sa kondisyon ding hindi mababago ang kahulugan o diwa ng orihinal. Kung maaari, mangyaring maglagay ng link pabalik sa World News Day (worldnewsday.org).


bottom of page