top of page

Ang malayang pamamahayag ay kailangan ng alyansa kontra pagsensura at pagkakawatak-watak

Natalia Antelava

September 27, 2026 at 8:00:08 AM

Natalia Antelava

Natalia Antelava

Kamakailan, muli kong binasa ang mga talaarawan ng aking ama noong dekada 1960—mga pahinang puno ng nagmamadaling sulat ng isang ambisyosong binata na galit sa mga pagkukunwari at kawalang-katarungang nakikita niya sa paligid.


Sa loob ng maraming taon, itinuring ko ang kanyang mga journal bilang tala ng isang bigong lalaki na nagsisikap isabuhay ang isang propesyong unti-unting inaalisan ng sistema ng tunay nitong layunin. Isa siyang mamamahayag sa isang bansang ang realidad ay tila nauna nang isinulat: ang Unyong Sobyet.


Ngunit sa pagkakataong ito, binasa ko ang kanyang mga diary bilang isang malinaw na babala: maaaring umiral ang mahusay na pamamahayag kahit walang malayang press.


Sa panahon ng artificial intelligence o AI at muling pag-usbong ng awtoritaryanismo, nanganganib tayong muling makulong sa parehong bitag—sa ibang anyo nga lamang. Maaari pa ring maging mahalaga ang indibidwal na pag-uulat habang ang pamamahayag bilang kabuuan ay unti-unting nawawalan ng saysay sa kakayahan ng lipunan na maunawaan ang sarili nito.


Maaaring mukhang malayo ang paghahambing. Sa sistema ng Sobyet, kinokontrol ng estado ang maaaring malaman ng mga tao habang binabaha sila ng iisang opisyal na bersyon ng kuwento. Sa kasalukuyang information environment, tila kabaligtaran ang nangyayari. Hindi iisang opisyal na kuwento kundi napakaraming kuwento. Hindi kakulangan sa impormasyon kundi sobrang dami nito.


Ang mga algorithm at kumpanyang nasa likod ng mga ito ang nagra-ranggo, nagsasala at unti-unting nagsi-synthesize ng mas maraming impormasyon kaysa sa kayang iproseso ng sinumang indibidwal.


Maaaring kumalat nang malawak ang mga katotohanan ng hindi kailanman nabubuo ang isang malinaw at magkakaugnay na larawan. Hatiin ang katotohanan, i-personalize ito, at lunurin sa kasaganaan ng impormasyon—at hindi na kailangang direktang supilin ang lahat. Ang ingay mismo ang gumagawa ng trabaho ng sensura.


Mahalaga ito dahil karaniwang nauunawaan natin ang press freedom sa usapin ng censorship: maaari bang ilathala ng mga mamamahayag ang nais itago ng mga makapangyarihan? At makaliligtas ba sila matapos itong gawin? Kapag ikinulong o pinatay ang mga mamamahayag, malinaw ang pag-atake sa kalayaan ng pamamahayag. Mas mahirap makita ang isang pamamahayag na nananatiling malaya sa anyo ngunit unti-unting nawawalan ng saysay sa aktuwal nitong tungkulin.


Makikita ang isang matinding halimbawa nito sa mga diary ng aking ama. Sinimulan niya ang kanyang karera sa malawak na hanay ng mga koresponden na mula sa mga manggagawa at magsasaka sa Unyong Sobyet, na bahagyang nilikha upang ilantad ang mga kabiguan sa lokal na pamahalaan. Ang mga reporter na gaya niya ay maaaring makatuklas ng katiwalian, magdokumento ng pang-aabuso at kung minsan ay maging dahilan upang matanggal sa puwesto ang isang opisyal. Hindi nila maaaring sundan ang kuwento pataas—mula sa isang palpak na opisyal tungo sa tuluy-tuloy na pagsusuri sa mismong sistemang lumikha ng problema.


Mas banayad na anyo ng ganitong pattern ang makikita ngayon sa India at Turkey. Patuloy na naglalantad ang mga mamamahayag doon ng katiwalian at pang-aabuso, ngunit ang legal, political at economic pressure ay nagpapahirap na sundan ang mga kuwentong ito pataas, tungo sa mga sistemang pinagmumulan ng mga problema.


Sa United States, kung saan nananatiling marami ang malalaking investigative report, nahaharap naman sa lumalaking political at regulatory pressure ang mga institusyong may kakayahang pagdugtung-dugtungin ang magkakahiwalay na impormasyon. Dinemanda ng Disney ang Federal Communications Commission (FCC) kaugnay ng mga paunang pagsusuri sa mga lisensya ng ABC stations. Iginiit ng Disney na gumanti ang ahensiya, habang itinanggi naman ito ng FCC.


Samantala, nagbayad ang Paramount ng 16 milyong dolyar upang ayusin ang demanda ng pangulo laban sa CBS habang hinihintay ang pag-apruba ng FCC sa 8.4-bilyong dolyar merger nito sa Skydance. Inaprubahan ang merger makalipas ang ilang linggo. Walang nagbawal ng istorya.  Ngunit nagiging mas bulnerable sa impluwensiya ng kapangyarihan ang mga institusyong may kakayahang buuin ang mas malaking larawan.


Nagbago na rin ang heograpiya ng awtoritaryanismo. Para sa aking ama, gaano man kapanganib ang pagtawid dito, may mundo sa kabilang panig ng Berlin Wall. Isang napakalaking personal na panganib ang kanyang hinarap nang palihim siyang magsimulang mag-ulat para sa Radio Liberty, isang broadcaster na pinondohan ng Estados Unidos na naghahatid ng uncensored news sa Unyong Sobyet.


Ngayon, hindi na maayos na nakukulong sa loob ng mga hangganan ang awtoritaryanismo. Ang Iron Curtain ay tila nahati sa libu-libong digital partition na dumaraan sa mga komunidad—at maging sa loob ng mga pamilya.


Lumilikha ang fragmentation na ito ng mga kondisyong alam gamitin ng mga awtoritaryan na kilusan: isang humihinang shared reality at kawalang-katiyakan kung ano nga ba ang ibig sabihin ng mga pangyayari.


Malaking bahagi ng fragmented information system na ito ay binuo ng iilang makapangyarihang tao sa Silicon Valley, na ang mga teknolohiya ay humuhubog sa kung ano ang nakikita natin at kung paano natin ito inuunawa. Dahil dito, napupunta ang Amerika sa isang kapansin-pansing pagbabago ng papel. Mula sa pagiging tagapagtanggol ng malayang pamamahayag, nakatutulong na ngayon ang ilang bahagi ng American technology ecosystem sa pagpapahina ng shared reality na kailangan mismo ng malayang press. At maaaring mas malaki pa ito kaysa kay Trump. Sinasamantala lamang niya ang isang fragmented information system na nabuo bago pa siya dumating at malamang na magpapatuloy kahit matapos ang kanyang panahon.


May bahagi rin ng fragmentation na pananagutan nating mga mamamahayag. Nagiging matagumpay ang conspiracy theories dahil iniaalok nila sa audience ang hinahanap nito:

Kayang buuin ng journalism ang ganoong larawan nang hindi nag-iimbento ng realidad.

Ngunit nangangailangan ito ng oras at pera. Sa kabilang banda, itinutulak tayo ng 24-hour news cycle sa kabaligtaran—nakakulong ang mga newsroom sa mga beat, update at magkakahiwalay na impormasyon.

Hindi tayo kapos sa mahusay na reporting. Ang kulang ay sapat na pamamahayag na nagdurugtong sa mga ulat na ito. Hindi namumuhay ang mga tao sa magkakahiwalay na beat.

Gayunman, maraming newsroom ang nag-uulat sa school-board disputes, elections, teknolohiya, presyo ng pagkain, digmaan at trade routes na para bang magkakahiwalay na kuwento ang mga ito.


Ang muling pagtatayo ng local news ay makatuwirang naging mahalagang democratic project sa United States. Ngunit ang pagbibigay-liwanag sa bawat tuldok ay hindi katumbas ng pagguhit ng buong mapa. Kung hindi magkakaugnay ang mga tuldok, maaaring manatiling abala, produktibo at teknikal na malaya ang isang press—ngunit wala pa rin itong maipakitang malinaw na larawan kung paano talaga gumagana ang kapangyarihan.


Sa United States ngayon, minsan ay pakiramdam ko ay muling lumilitaw ang mundong nakikita sa mga diary ng aking ama. Makikilala niya ang panganib: maraming katotohanan, ngunit may sistemang pumipigil upang ang mga ito ay maging isang malinaw na larawan. Naunawaan ito ng mga Soviet dissident. Kapag nakakulong ang katotohanan, kailangang bumuo ng mga ruta upang madala ito sa lugar kung saan maaari itong magkaugnay at magkaroon ng saysay.


Matagal bago bumagsak ang Berlin Wall, mayroon nang mga tunnel sa ilalim nito.

Samizdat, foreign broadcasts at mga tinig mula sa kabilang panig—sama-sama silang lumikha ng mga ruta sa paligid ng Soviet system, na nag-uugnay sa mga taong nasa loob nito sa mga taong nasa labas.


Ngayon, namumuhay tayo sa gitna ng napakaraming pira-pirasong realidad, na bawat isa ay umiikot sa likod ng sarili nitong mga invisible wall. Hindi kayang gibain ng journalism ang lahat ng mga pader na ito. Ngunit maaari itong maghukay sa ilalim ng mga ito. Ipinakita ng Panama Papers kung ano ang maaaring mangyari kapag daan-daang mamamahayag mula sa iba't ibang bansa ang nagtutulungan sa iisang materyal: ang magkakahiwalay na impormasyon ay maaaring maging malinaw na larawan kung paano gumagana ang kapangyarihan.


Kailangan natin ng mas maraming lagusan o “tunnel”—at hindi dapat nagtatapos ang mga ito sa mga pader ng newsroom. Kailangan nilang tumawid sa iba't ibang disiplina at hangganan, iugnay ang lokal sa pandaigdigan at tulay sa lumalawak na agwat sa pagitan ng mga mamamahayag at mga taong nais nilang maabot.


Sa kasalukuyang panahon, ang malayang pamamahayag ay nangangailangan ng mga alyansa—hindi lamang laban sa censorship kundi laban din sa fragmentation o pagkakawatak-watak ng impormasyon. Kung wala ang mga alyansang ito, nanganganib ang press freedom na mauwi sa isang bagay lamang: kalayaang maglathala sa kawalan.


Si Natalia Antelava ay isang mamamahayag, co-founder ng ZEG Network at co-founder at publisher ng Coda Story at The Atlas, isang bagong pandaigdigang publication na nag-uugnay sa mga lokal na kuwento sa mas malalaking sistema ng kapangyarihan.


Ang opinion piece na ito ay isinulat bilang bahagi ng World News Day campaign, isang pandaigdigang kampanya na nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng pamamahayag sa paghahatid ng mga katotohanan at malinaw na impormasyon.


Malayang maaaring muling ilathala nang buo at isalin, basta’t tapat na naipapakita ng salin ang orihinal na nilalaman at hindi binabago ang kahulugan o diwa nito. Pinahihintulutan ang maliliit na pagbabago para sa haba o pagsunod sa estilo ng publikasyon, sa kondisyon ding hindi mababago ang kahulugan o diwa ng orihinal. Kung maaari, mangyaring maglagay ng link pabalik sa World News Day (worldnewsday.org).



bottom of page