Amerika, dating ‘Arsenal Of Democracy,’ ngayon ay pinahihina ang malayang pamamahayag
Lionel Barber
September 27, 2026 at 10:03:04 AM

Lionel Barber
Sa isang talumpati sa radyo noong Disyembre 1940, isang taon bago pumasok ang Estados Unidos sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, inilarawan ni Franklin D. Roosevelt ang Amerika bilang “arsenal of democracy.” Ngayon, tila unti-unti nang tumatahimik ang mga putok sa kanlurang larangan. Ang independent journalism—na nagsisilbing mahalagang sandigan ng isang mamamayang may sapat na kaalaman sa isang demokrasya—ay humaharap sa matitinding banta, partikular sa Estados Unidos.
Ang mga banta ay pang-ekonomiya at teknolohikal, ngunit may mga legal at pampulitikang hamon din. Agresibong pinupuntirya ng ikalawang administrasyon ni Trump ang mga organisasyong pangmidya, kabilang ang pagsasampa ng mga kasong umaabot sa bilyun-bilyong dolyar, paghahanap sa mga source sa pamamagitan ng mga subpoena, at pagsasagawa ng kampanya ng paninira laban sa sinumang reporter o editor na hindi sumusunod sa linya ng administrasyon.
Kakaunti ang maihahambing na halimbawa sa ganitong paggamit ng kapangyarihang ehekutibo. Maging si Richard Nixon noong kasagsagan ng iskandalo ng Watergate ay hindi umabot sa ganitong antas.
Ang pag-atake sa independent journalism ay isinasagawa—lantad sa harap ng publiko—gamit ang napakalaking kapangyarihan ng Federal Government.
Sa ngayon, nananatiling matatag ang mga korte bilang huling linya ng depensa. Ngunit walang makatitiyak kung saan papanig ang US Supreme Court, na may matagal nang konserbatibong mayorya, sakaling umabot sa pinakamataas na hukuman ang mga usaping ito.
Ang isa sa mga pundamental na desisyon ng Supreme Court na nagtatanggol sa kalayaan ng pamamahayag sa Estados Unidos ay ang New York Times Co. v. Sullivan noong 1964. Itinakda nito na hindi maaaring idemanda ng mga pampublikong opisyal ang isang media organization dahil sa libelo maliban kung mapatutunayan nilang may “actual malice”—ibig sabihin, alam ng publisher na mali ang impormasyon o kumilos ito nang may walang-ingat na pagwawalang-bahala sa katotohanan.
Ang isa pang mahalagang kaso ay ang New York Times Co. v. United States noong 1971, na mas kilala bilang “Pentagon Papers” case. Sa kasong ito, mahigpit na nilimitahan ng Korte Suprema ang kakayahan ng pamahalaan na pigilan ang paglalathala ng impormasyon bago pa man ito mailabas o hadlangan ang publikasyon ng classified defence information. Sa dalawang kasong ito, nagtakda ang Supreme Court ng mataas na pamantayan bago maaaring patahimikin ng pamahalaan ang media. Ngunit ang mga makasaysayang desisyong ito ay tila mga alaala na lamang ng isang nakalipas na panahon.
Ang dekada ’60 at ’70 ay panahon ng matinding kawalan ng tiwala sa Federal Government, na lalo pang pinalala ng Vietnam War. Ang pagbubunyag ng media sa mga kasinungalingan ng pamahalaan na ginamit upang bigyang-katwiran ang digmaan ay nagbigay sa mga pahayagan, radyo at telebisyon ng panibagong kredibilidad.
Makalipas ang kalahating siglo, lumaganap na rin ang pag-aalinlangan at kawalan ng tiwala sa mismong media. Sa ilang survey, mas mababa ang antas ng tiwala ng publiko sa mga mamamahayag kumpara sa mga abogado at real estate agent. Maaaring may bahagi ng kawalan ng tiwala na bunga ng mga pagkakamali at paglabag ng ilang mamamahayag. Ngunit bahagi rin ito ng presyo ng pagkakaroon ng malayang pamamahayag.
Sa kasalukuyan, kung saan inuuna ng mga algorithm ng social media ang engagement na kadalasang nagbibigay-gantimpala sa tunggalian at galit, ang mga kilalang organisasyong pangmidya ay napagbibintangang may kinikilingan at hindi mapagkakatiwalaan. Ang administrasyong Trump ang naging isa sa pinakamalakas na nagtutulak at nagsasagawa ng kampanya ng pananakot at legal na paghamon sa media.
Noong 2024, pumayag ang Walt Disney Co. na magbayad ng 15 milyong dolyar sa presidential library ni Trump at 1 milyong dolyar para sa legal fees upang ayusin ang kasong libelo laban sa ABC News, subsidiary ng Disney.
Nakipag-areglo ang Disney matapos sabihin ng pangunahing anchor nitong si George Stephanopoulos, dating communications director ng administrasyong Clinton, na si Trump ay “mananagot sa panggagahasa o liable for rape.” Gayunman, isang hukom sa New York ang nagpasya na si Trump ay may pananagutan sa “sekswal na pang-aatake o sexual assault.”
Noong 2025, pumayag naman ang Paramount na magbayad ng 16 milyong dolyar sa presidential library ni Trump upang ayusin ang isang legal dispute kaugnay ng pag-edit sa isang CBS news program na nagtatampok ng panayam sa noo'y Vice President Kamala Harris.
Iginiit ni Trump na ang pag-edit ay “tipped the scales” laban sa kanya noong 2024 presidential campaign—sa kabila ng malinaw na pagkapanalo niya laban sa Democratic candidate na si Harris.
Hindi umamin ng pagkakasala ang Paramount, ngunit pinili nitong makipag-areglo sa panahong kailangan nito ang pag-apruba ng Federal Government para sa planong multi-billion-dollar merger nito sa Skydance Media. Gayundin, tinantiya ng Walt Disney na hindi sulit na subukan sa korte ang isang makatuwirang depensa na nagsasaad na dahil sa reputasyon ni Trump, mahirap siyang manalo sa isang libel case. Sa madaling salita, nanaig ang interes ng mga korporasyon kaysa sa prinsipyong konstitusyonal ng kalayaan sa pamamahayag. Gayunman, mayroon ding mga kapansin-pansing eksepsiyon.
Tumanggi ang New York Times, Wall Street Journal at BBC na makipag-areglo sa mga kasong nagkakahalaga ng bilyun-bilyong dolyar na isinampa ni President Trump.
Sa katunayan, nagsampa ng kaso ang New York Times laban sa Pentagon dahil sa desisyon nitong higpitan ang access ng mga reporter. Kumokontra rin ang BBC sa $10-bilyong libel claim kaugnay ng isang documentary tungkol sa mga kaguluhan noong Enero 6. Inaasahang diringgin ang kaso sa isang korte sa Florida sa susunod na taon.
Madaling balewalain ang mga pangambang ito bilang bunga lamang ng labis na pag-aalala ng liberal na panig. Ngunit sa loob ng nakalipas na 50 taon, regular akong naglalakbay sa Estados Unidos. Sampung taon akong nagsilbi roon bilang foreign correspondent ng Financial Times —una sa Washington at kalaunan sa New York. Kilala ko ang bansa—47 estado na ang aking napuntahan—at itinuturing kong personal na mga kaibigan ang dose-dosenang Amerikanong mamamahayag. Ang mga banta sa mga organisasyong pangmidya, maliit man o malaki, ay kumakatawan sa isang malinaw at kasalukuyang panganib.
Ang Amerika ay lupain ng First Amendment, na gumagarantiya sa kalayaan sa relihiyon, pananalita, pamamahayag, mapayapang pagtitipon at karapatang magsumite ng petisyon sa pamahalaan. Ang nangyayari sa Washington ay hindi nananatili sa Washington. Kung mabibigo ang Amerika na panindigan ang prinsipyong konstitusyonal ng malayang pamamahayag, maaaring mas lumakas ang loob ng iba na kumilos nang walang pananagutan. At magiging mas madilim ang mundo.
Si Lionel Barber ay isang mamamahayag na Ingles at dating editor ng Financial Times. Hanggang kamakailan, naging co-host siya ng podcast na Media Confidential.
Ang artikulong ito ay isinulat bilang bahagi ng World News Day, isang pandaigdigang kampanyang nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng pamamahayag sa paghahatid ng mga katotohanan at malinaw na impormasyon.
Ang mga muling maglalathala ay kinakailangang panatilihin ang talatang nasa itaas at kilalanin ang orihinal na may-akda.
Malayang maaaring muling ilathala nang buo at isalin, basta’t tapat na naipapakita ng salin ang orihinal na nilalaman at hindi binabago ang kahulugan o diwa nito. Pinahihintulutan ang maliliit na pagbabago para sa haba o pagsunod sa estilo ng publikasyon, sa kondisyon ding hindi mababago ang kahulugan o diwa ng orihinal. Kung maaari, mangyaring maglagay ng link pabalik sa World News Day (worldnewsday.org).
